CEBU CITY – Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng gun ban sa buong lungsod at lalawigan ng Cebu simula ngayong Lunes, Enero 9, hanggang sa Enero 18, bilang bahagi ng ipatutupad na seguridad sa selebrasyon ng Fiesta Señor o Sinulog Festival, at swimwear competition ng 2017 Miss Universe.

Sa kanyang direktiba, ipinagbabawal ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga may-ari ng baril na bitbitin ang mga ito sa labas ng kani-kanilang bahay sa Enero 9-18 sa mga siyudad ng Cebu, Mandaue at Lapu-Lapu.

Ang nasabing direktiba ni Dela Rosa ay ipinaskil ni Cebu City Councilor Dave Tumulak, deputy mayor on police matters, sa kanyang Facebook account pasado 9:00 ng gabi nitong Sabado.

“Only members of the PNP, Armed Forces of the Philippines, and other Law Enforcement Agencies (LEAs), who are performing official duties and in agency-prescribed uniforms will be allowed to carry firearms,” aniya.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Ang sinumang indibiduwal, kabilang ang mga sibilyan, mga pulis, militar at security enforcer na hindi naka-duty, na makukumpirmang nagbitbit ng baril sa labas ng bahay ay aarestuhin sa illegal possession of firearms.

Una nang hiniling ni Chief Supt. Noli Talino, Police Regional Office (PRO)-7 director, kay Dela Rosa ang pagpapatupad ng espesyal na gun ban para sa Sinulog Festival na nagsimula nitong Enero 5 at tatagal hanggang Enero 15, ang kapistahan ng Sto. Niño de Cebu at pagdaraos ng Sinulog grand parade.

Pinalawig pa ang gun ban kaugnay ng pagdaraos ng swimwear competition ng Miss Universe sa Lapu-Lapu City sa Enero 17.

(PNA)