Ipaglalaban ng Philippine Olympic Committee (POC) na maisama ang papaangat na gymnast na si Carlos Yulo at ang tanging babaeng nakapagwagi ng medalyang pilak sa bansa na si Hidilyn Diaz sa nalalapit na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia

Sinabi ni POC secretary general Steve Hontiveros na kanilang gagawin ang nararapat sa susunod na anim na buwan upang makumbinsi ang Malaysia SEA Games Organizing Committee na maisama ang 17-anyos na si Yulo at ang nakatutok sa 2020 Olympic na si Diaz sa kada dalawang taong torneo.

Inaasahang agad na mababawasan ng posibleng isang ginto ang Pilipinas sa 2017 SEA Games matapos na alisin ng host Malaysia ang lahat ng event sa women’s weightlifting.

Asam naman ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) na payagan si Yulo na makasali na sa torneo bagaman kulang ito sa itinakdang edad na 18-anyos pataas para sa disiplina.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kasalukuyang sitwasyon ay hindi makakalahok si Diaz, na nag-uwi ng pilak sa 2016 Rio De Janeiro Olympics, matapos na itakda lamang ng organizers ang limang event para sa lalaki sa weightlifting.

Si Yulo, na kasalukuyng nagsasanay sa Japan, ay nakapagwagi ng ilang medalya kabilang ang isang ginto sa paglahok nito sa Voromin Cup sa Russia.

Si Diaz, na nagwagi naman ng pilak sa 53kg division sa Rio Olympics, ay tangkang maibigay sa Pilipinas ang kauna-unahan nitong gintong medalya sa 2020 Olympics. (Angie Oredo)