TUMAAS ang inflation rate ng bansa ng 2.6 porsiyento nitong Disyembre 2016, ang pinakamataas sa loob ng dalawang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority. Noong Disyembre 2014, ito ay nasa 2.7%; noong Disyembre 2015, bumaba ito ng 1.5%. Ngunit dahil sa mga kaganapan sa buong mundo nitong 2016, partikular na ang pagtaas ng presyo ng langis bunga ng desisyon ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na magbawas ng produksiyon, tumaas uli ang antas ng inflation sa Pilipinas.
Para sa mga karaniwang Pilipino, ang inflation ay nangangahulugan ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Dahil sa pagmahal ng langis, gasoline, diesel, at kerosene dahil sa desisyon ng OPEC, tumaas din ang gastusin sa transportasyon ng mga truck na naghahatid ng mga pagkain sa mga bayan at lungsod tulad ng Metro Manila.
Nangangahulugan ito na tataas din ang presyo ng mga pagkain. Kapag nagpatuloy ang pagtaas ng mga presyo ng mga produktong petrolyo, sunod nang tataas ang pamasahe.
Sa harap ng iniulat na inflation, ipinanunukala ngayon ng mga economic manager ng bansa na magpataw ng karagdagang buwis sa mga produktong petrolyo, bilang bahagi ng tinatawag na tax reform plan. Nilalayon nilang bawasan ang exemption sa Value-Added Tax (VAT) upang maitaas ang kita ng pamahalaan mula sa buwis na ito. Binabalak din nilang baguhin ang excise tax sa mga sasakyan.
Sa inaasahang dagdag na kikitain ng pamahalaan mula sa mga pagbabagong ito sa buwis ay magpapahintulot naman sa gobyerno na bawasan ang income tax rates sa low at middle-earning individuals. Ibababa ang individual tax rates mula sa kasalukuyang 32% sa 25%, na pakikinabangan ng karamihan ng taxpayers maliban sa “ultrarich” na kumikita ng P10 milyon o mahigit pa bawat taon.
Kasama rin sa pinaplanong reporma sa buwis ang pagbawas sa corporate income tax. Makikinababang dito ang small and medium enterprises na, lilikha naman ng mas maraming trabaho.
Isang magandang reporma sa buwis ang pagbaba sa personal at corporate income tax rates, ngunit ang planong taasan ang excise taxes sa gasolina at iba pang produktong petrolyo ay kailangang muling pag-aralan at pag-isipan dahil sa magiging epekto nito sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Makasasama ito sa pinakamahihirap na mamamayan.
Sinabi ni Senate Minority Leader Ralph Recto na masama ang timing nito dahil pataas ang presyo ng langis sa daigdig.
Isinuhestyon niya na pagbutihin na lamang ang pangongolekta, at supilin ang smuggling. Hinimok naman nina Sen. Francis Escudero at Sen. Vicente Sotto III ang gobyerno na gawin ang lahat upang makolekta ang mga umiiral na buwis at maghanap ng iba pang posibleng mapagkukunan ng pondo bago magpataw ng dagdag na buwis sa petrolyo. Sa Kamara, nananawagan si Rep. Jericho Nograles na itaas ang VAT sa “sin products” sa halip na sa diesel at iba pang produktong petrolyo.
Tunay na napakahirap at napakakumplikadong hakbangin ang reporma sa buwis dahil nangangailangan ito ng pagbabalanse sa interes ng iba’t ibang sektor ng ekonomiya at lipunan. Sa patuloy na pag-aaral at diskusyon sa Kongreso, hinihimok namin ang ating mga mambabatas na tiyakin na hindi magdurusa ang pinakamahihirap na mamamayan sa mga pagbabago at repormang maaari nilang ipatupad sa istruktura ng pagbubuwis sa bansa.