PINAPANGARAP ni Coco Martin na makapagdirek ng pelikula na siya rin ang bida at producer na gusto niyang isali sa Metro Manila Film Festival ngayong 2017.
Siya rin ang producer, “Para kung hindi po kumita, eh, walang akong ibang nasaktan na tao. At siyempre ang gusto kong makasama ay ‘yung mga nakasama ko noon sa indie films.”
Pero depende pa rin daw sa mga mapag-uusapan, kasi nga baka iutos ng kanyang home network na gumawa ulit sila ni Vice Ganda ng pelikulang isasali sa MMFF 2017.
Hiningan ng komento si Coco tungkol sa mga pelikulang nakapasok, kinita, at awards sa MMFF 2016.
“Honestly, dapat d’yan looking forward na, kasi maraming mga salitang nasabi na hindi magaganda, kanya-kanyang opinyon. Ako naman, never akong naging against sa mga napili. Kasi ako, nagmula ako sa indie at nabigyan ng opportunity ‘yung mga directors, actors, ang pinakamagandang gagawin ay suportahan.
“Sa 2016, mayroon tayong natutunan. At dahil hindi kami nakuha nu’ng 2016, ngayong 2017, mag-a-adjust kami sa requirement na hinahanap nila. Hindi na magandang i-nega pa o kalabanin. Hindi ba mas magandang suportahan na lang?
“Kung iyon na ba talaga ang gusto ng mga jury o ng manonood, pupunta kami o mag-a-adjust kami. Sabi ko nga, sasali pa rin ako sa Metro Manila Film Festival,” magandang pahayag ni Coco.
Ang opinyon lang ng aktor, sana raw ang pagbabago ay dahan-dahan at hindi biglaan.
“Dapat po may apat na mainstream at may apat na indie films. Bakit po? Para po sa akin, ang pagbabago, hindi bigla-bigla. Dapat dahan-dahan. Kasi ‘pag binigla mo ang pagbabago, magre-react ang maraming tao.
“Para sa akin, ang paggawa ng pelikula o soap opera, dapat i-consider mo kung sino ang manonood. Honestly, ‘pinagdasal ko, sana ‘yung Enteng (Kabisote 10), nakapasok. Para may natira na isa sa amin. Para at least may pambatang isa. Although may pambata naman, ‘yung (Saving Sally). Hindi ko po napanood pa pero sabi nila pambata naman.
“Nasasabi ko ito base sa nararamdaman ko at opinyon ko. Wala po akong sinasabing mali. Ang sinasabi ko lang po, sana dahan-dahan. Basta ang pangako ko po sa sarili ko, every December, sasali ako sa MMFF at para ito sa mga bata,” sabi pa ni Coco.
Nananatiling tikom ang bibig ng binata tungkol sa kanyang love life. Career at kapakanan ng pamilya niya pa rin daw ang kanyang inuuna at binibigyan niya ang sarili niya ng limang taon (35 siya ngayon) pa bago mag-asawa.
Wala pa raw ang lucky girl pero napapangiti naman siya kapag nababanggit ang Doble Kara serye na pinagbibidahan ni Julia Montes.
Happy ang aktor na nakilala na ni Julia ang kanyang biological father.
Kaya lang, napapangiti rin si Coco kapag nababanggit ng reporters si Yassi Pressman, ang leading lady niya ngayon sa Ang Probinsyano.
Hala, nahihirapan na tuloy kami kung sino na ang itutukso sa aktor, si Yassi o si Julia. (Reggee Bonoan)