Kabuuang 60 gintong medalya ang paglalabanan sa sports na swimming habang 46 naman sa athletics na siyang inaasahan na makakapagdetermina sa tatanghaling magiging pangkalahatang kampeon sa nalalapit na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Gayunman, ikinalungkot ng mga opisyales na kabilang sa Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) Task Force na hindi masasandigan ng bansa ang sports na swimming sa kada dalawang taon torneo dahil sa kawalan ng maaasahang makapagbibigay ng mga importanteng gintong medalya.

Hindi rin nakadalo sa isinagawang PSC-NSA’s Directional Meeting sa Tagaytay City ang alinman sa opisyales ng Philippine Swimming Incorporated (PSI).

Asam naman ni dating POC Chairman at Task Force representative Tom Carrasco na malampasan ng bansa ang kabuuan nitong naiuwing 28 gintong medalya noong 2015 SEA Games habang inaabangan ang paghahanda at pagsasanay ng 37 national sports association (NSA”s) sa susunod na anim na buwan bago ang torneo na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 31.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Our realistic target is to dislodge Singapore in fifth place, but more than that is kailangan natin maabot ang mahigit na 35 gintong medalya,” sabi ni Carrasco.

Nakataya ang kabuuang 247 gintong medalya sa 29th SEA Games na binubuo ng archery (10), badminton (7), basketball (2), billiard and snooker (7), boxing (6), cricket (3), cycling (20), equestrian (7), fencing (6), football (4), golf (4), gymnastics (20), hockey (4), ice hockey (1), ice skating (8), judo (6), karate (16), rugby football (2), sailing (14), sepak takraw (12), shooting (14), squash (9), table tennis (7), taekwondo (16), tennis (5), tenpin bowling (11), triathlon (2), volleyball (2), weightlifting (5) at wushu (17).

Tanging nakahanda at optimistiko ang Squash Racquet Association of the Philippines (SRAP) president Robert Bachmann na kaya nitong makapag-uwi ng dalawang ginto, tatlong pilak at apat na tanso habang makapag-ambag ng apat na medalya ang hangarin ng Philippine National Shooting Association (PNSA) president na si Richard Fernandez.

Aasahan naman ng Weighlifting Association of the Philippines (WAP) ang Rio Olympian na si Nestor Colonia sa 56kg para sa ginto habang posible rin sa medalya sa dalawa nitong lahok sa 69kg at 95kg. habang umaasa pa ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na madadagdagan ang target nito na 10 hanggang 11.

Hindi naman nagbigay ng kanilang prediksiyon ang ibang mga national sports association (NSA’s) na kasali sa mga paglalabanang sports. (Angie Oredo)