Dalawa umanong kilabot na tulak ang napatay habang nakatakas ang kanilang supplier sa buy-bust operation sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, iniulat kahapon.

Sa report ni Police Supt. Lito E. Patay, hepe ng Batasan Police Station 6, kinilala ang mga napatay na sina alyas “Tonton” at “Bok”, kapwa nakikitira sa bahay ng nakatakas na si Arthur Cruz y Jauco, alyas “Abo”, 54, ng No. 195 AFP Road, Veterans Village, Bgy. Holy Spirit, Quezon City.

Hindi na umabot nang buhay sina Tonton at Bok sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Ayon sa Quezon City Police District, kasama sa drug watch list ang tatlong suspek.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), isang impormante ang nag-ulat sa Batasan Police hinggil sa kinaroroonan ng mga suspek at agad ikinasa ng Station Anti-Illegal Drugs, sa pamumuno ni Police Insp. Sandy Caparoso, ang operasyon sa AFP Road, Bgy. Holy Spirit.

Bandang 9:30 ng gabi kamakalawa, sinalakay ng mga operatiba ng SAID ang nasabing lugar subalit pagsapit nila sa bahay ni Abo, pinaputukan na sila ng mga ito hanggang sa magkapalitan ng mga bala.

Maya-maya pa’y duguan nang humandusay sina Tonton at Bok at naglaho naman si Abo.

Narekober sa pinangyarihan ang dalawang .45 caliber na baril, mga plastic sachet ng umano’y shabu at P1,500 drug money. (Jun Fabon)