Wala na rin sa Ateneo ang kanilang long-time assistant coach sa kanilang women’s volleyball team na si Parley Tupaz.

Bago pa man umano umalis ang Lady Eagles sa kanilang 10 araw na training sa Thailand noong Disyembre ay nagpaalam na si Tupaz.

Dating national player na huling naglaro para sa bansa noong 2007 Southeast Asian Games,kinumpirma ni Tupaz ang naunang balitang ibinahagi ni dating Ateneo coach Roger Gorayeb.

“Last December pa siya wala sa Ateneo,” ani Gorayeb.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon kay Gorayeb, posibleng ang pag-alis ni Tony Boy Liao bilang team manager ang isa rin sa mga dahilan ng pag-alis ni Tupaz.

Nanatili naman si Thai coach Anusorn Bundit bilang head coach ng Lady Eagles, ngunit walang kasiguruhan kung magtatagal pa ito dahil nauna nang napabalitang ayaw na rin sana ni Bundit na manatili sa Lady Eagles dahil si Liao ang nagdala sa kanya dito.

Pagkatapos ng kanyang limang taong pagiging assistant coach sa Ateneo, sinabi ni Tupaz na bukas naman siya ngayon sa mga bagong oportunidad na posibleng dumating sa kanya.

“Bagong taon, baka bagong trabaho din at bagong pagkakataon ang puwedeng dumating,” ani Tupaz. (Marivic Awitan)