Walumpung katao ang inaresto sa pagsalakay ng mga awtoridad sa Islamic Center sa Palanca Street, Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), pasado 3:00 ng madaling araw kahapon isinagawa ang operasyon sa pagsasanib-puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Manila Police District (MPD), Special Weapons And Tactics (SWAT) team, at Explosive Ordnance Disposal (EOD) unit ng Philippine National Police (PNP).
Layunin ng operasyon na maaresto ang mga kriminal at makumpiska ang mga ilegal na droga, mga ‘di lisensiyadong armas at iba pang kontrabando na itinatago sa naturang lugar.
Kaagad namang dinala ang mga naaresto sa MPD para sa kaukulang beripikasyon.
Matapos makumpirmang malinis ang record, karamihan sa kanila ay kaagad ding pinakawalan ng mga awtoridad.
Samantala, isa sa mga naaresto na kinilalang si Jamira Cabugatan ay may kinakaharap na warrant of arrest, inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 44 noong Marso 5, 2010, dahil sa kasong illegal possession.
Iniimbestigahan din ang dalawa pang suspek na sina Loren Fahad/Loren Datu-Haron, 49; isang alyas “Amir”, 17, kapwa nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, matapos makumpiskahan ng 16 na piraso ng plastic sachet ng hinihinalang shabu, dalawang digital weighing scale at isang bundle ng transparent na plastic. (MARY ANN SANTIAGO)