SA liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, ngayong ika-8 ng Enero ay ginugunita at ipinagdiriwang ang Epiphany o Pista ng Tatlong Hari (Three Kings) na huling araw ng Pasko o Christmas season. Sa nakalipas na mga panahon, ang Pista ng Tatlong Hari ay masaya at makulay na ipinagdiriwang tuwing ika-6 ng Enero. Ngunit noong 1970, matapos ang Vatican ll, ang pagdiriwang ay inilipat sa unang Linggo matapos ang Bagong Taon. May mga bayan pa rin sa iniibig nating Pilipinas na ipinagdiriwang ang kapistahan ng Enero 6, tulad sa Gapan City, Nueva Ecija, Pinili, Ilocos Norte, at Mabitac, Laguna.

Ang Epiphany ay ipinagdiriwang din ng mga Simbahang Anglecano at Eastern Orthodox. Ang Epiphany ay mula sa salitang Griyego na EPIPHANIA na ang kahulugan ay pagpapakita. Tumutukoy ito kay Jesus na nagpakita bilang Diyos at nagpakita bilang tao. Ang Epiphany ay nangangahulugan din na ang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban sa Bethlehem ay ang hinihintay na Mesiyas— ang ipinangako ng Diyos na Tagapagligtas, ang paksa ng maraming hula, ang Pag-asa at Luwalhati ng mga tao sa Diyos.

Ang Pista ng Tatlong Hari ay sinimulan pa noong taong 194. A. D. Nauna pa ito sa Pasko at itinuring na mahalagang religious festival. Ang gabi ng Epiphany ay tinatawag na “Twelfth Day of Christmas”. May mga Bible scholar na nagsasabing ang mga dayuhang dumalaw kay Hesus sa Bethlehem ay mga Mago o marunong, pantas at hindi mga Hari. Ngunit sa tradisyong Pilipino, hindi na pinapansin ang pananaw na iyon ng mga Bible scholar. Ang paniwala ng mga Pilipino, sila ay mga Hari at sila ay tatlo.

Nang isilang ang Dakilang Mananakop sa isang sabsaban sa Bethlehem, isang TALA o bituin ang sumikat. Nakita ng Tatlong Hari o Mago ang nasabing kahanga-hangang Tala ng Bethlehem. Mula sa Silangan, ang Tatlong Hari na nakilala sa pangalang Melchor, Gaspar at Balthazar ay naglakbay. Sila’y ginabayan ng Tala ng Betlehem. May dalang mga handog sa Banal na Sanggol. Binubuo ito ng Ginto, Insenso at Mira. Sa mga aginaldo o alay na ito ng Tatlong Hari sa Banal na Sanggol, nakita ng mga unang pantas ng Simbahan ang mga katangian ni Jesus bilang Hari, Diyos at Tao na daranas ng pagpapakasakit at paghihirap. Ang ginto ay sagisag ng maharlika, ang insenso ay sagisag ng kalinisan at ang mira ay simbolo ng pagdurusa sa hinaharap.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Ang mga aginaldo ng Tatlong Hari ay inialay nila sa diwa ng kababaang-loob, pag-ibig, at pagsamba. At kailanma’y hindi ipinaghintay ng kabayaran o ganti. Ang paghahandog na iyon ng Tatlong Hari sa Banal na Sanggol ay pinaniniwalaan na simula at naging batayan ng pagbibigay ng aginaldo o regalo tuwing sasapit ang Pasko. Naging batayan din ng pagbibigay ng Christmas bonus at 13th month pay sa mga empleyado at manggagawa ng mga may puso at mabait na employer.

Sa ating makabagong panahon, ang Tatlong Hari ay itinuturing na mga bayani at huwaran. Hindi lamang dapat na hangaan, kundi dapat ding tularan ang kanilang pananaw sa buhay, pananampalataya, at kabutihang-loob.

Ganito naman ang isang bahagi ng lyrics o mga titik ng awiting tungkol sa Tatlong Hari: “Tatlong Hari ay nag-alay, sa Banal na Sanggol, yumukod, gumalang; Sino tayo, hamak lamang, upang ‘di sumamba sa Haring Sumilang sa munting sabsaban”. (Clemen Bautista)