TUGUEGARAO, Cagayan - Nagbabala ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa publiko na maging mapanuri sa mga hindi rehistrado at hindi accredited mga driving schools na naglilipana ngayon sa Cagayan.
Sa panayam ng media, sinabi ni Nestor Ave, OIC-Regional Director ng TESDA Region 2, na apat na paaralan pa lamang sa rehiyon ang accredited at registered sa TESDA na kinabibilangan ng Patria Sable Corpus College, Southern Isabela College of Arts and Trades, Isabela School of Arts and Trades at A4 Polytechnic College sa bayan ng Quezon, Isabela.
Ipinaliwanag ni Nestor Ave na hindi tatanggapin sa trabaho at sa pag-aabroad ang anumang certificate na ibibigay ng driving schools na hindi rehistrado at accredited ng TESDA.
Nananawagan din si Ave sa mga Local Government Unit at Land Transportation Office na huwag magbigay ng permit at registration hangga’t walang accreditation at registration mula sa TESDA. (Liezle Basa Iñigo)