Libu-libong deboto ng Itim na Nazareno ang inaasahang pipila simula ngayong araw sa Quirino Grandstand sa Maynila upang magkaroon ng pagkakataong mahalikan ang imahe ng Poon.
Ang tradisyunal ang pahalik ay susundan ng traslacion o ang prusisyon ng magbabalik ng imahen sa simbahan ng Quiapo sa Lunes.
Tuluy-tuloy ang pahalik at matitigil lang sa hatinggabi ng Enero 9 kung saan magkakaroon ng misa na pangungunahan ng Quiapo Church rector na si Msgr. Hernando Coronel. Si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang magbibigay ng homily.
Itutuloy ang pahalik pagkatapos ng misa at magtatapos ito alas-5 ng umaga sa Lunes, kung kailan gaganapin ang Liturgy of the Hours bago ang traslacion.
Kahapon, ang mga replica ng imahe ng Nazareno ay inilibot sa paligid ng Quiapo church. (Leslie Ann G. Aquino)