KALIBO, Aklan – Excited na ang ilang Pinay beauty queen sa pag-host ng Pilipinas sa 65th Miss Universe.
Ayon kay Nancy Lee Leonard, Miss Tourism Queen International Philippines 2016, magandang pagkakataon ito para maipakita sa buong mundo na ang bansa ay hindi lamang maituturing na may isa sa mga magagandang kababaihan, kundi may mga kaakit-akit ding mga tanawin.
Ayon naman kay Camille “CJ” Hirro, Miss Global first runner up, pagkakataon din ito ng bansa para maiangat ang estado ng mga Pinoy sa buong mundo, lalo na ang overseas Filipino workers.
Nasa Kalibo sina Leonard at Hirro bilang miyembro ng panel of judges ng Mutya ng Kalibo Sto. Nino Ati-atihan Beauty pageant 2017.
Nagsisidatingan na sa bansa ang mga kalahok sa pageant.
Huling ginanap ang Miss Universe sa Pilipinas noong 1994.
Ang Pilipinang si Pia Wurtzbach ang kasalukuyang nakasuot ng korona. Ang coronation night ng susunod na Miss Universe ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Enero 30. (Jun N. Aguirre)