NGAYONG gabi sa Tsuperhero, mga zombie sa palengke ang makakalaban ng ating superhero. Laking gulat ni Nonoy (Derrick Monasterio) nang makitang si Ricky (Rodjun Cruz) at mga kabarkada nitong kargador pala ang mga zombie. Nakalaro pa niya ng basketball ang mga ito at parang pumapapel pa kay Eva (Bea Binene). Kinukulit naman ni Aling Martha (Alma Moreno) kung nililigawan na nga ba ni Nonoy si Eva. Ang sabi naman ni Nonoy kay Eva, payag siyang ligawan ang dalaga.
Kaya lang ang dalaga, ayaw kay Nonoy dahil si Tsuperhero ang gusto niya.
Habang nagkakagulo sa palengke, nakuha pa ni Mang Pedi (Philip Lazaro) na manligaw kay Aling Gloria (Katrina Halili), ang tindera ng isda na suki si Aling Martha. Pero mukhang may karibal si Mang Pedi, ang maangas na jeepney driver na si Mang Philip (Kim Idol).
Samantala, nalaman naman ni Sgt. Cruz (Gabby Concepcion) na ang dahilan sa pagiging zombie nina Ricky ay ang toxic waste na nagmula sa isang container van. Sa tulong ni Tsuperhero, susubukan nilang ibalik sa dati sina Ricky pero mukhang may kakaibang lakas at galaw ang mga binatang zombie.
Napapanood ang Tsuperhero tuwing Linggo pagkatapos ng 24 Oras Weekend sa GMA.