VIGAN CITY, Ilocos Sur – Isang radio broadcaster na nagtuturo rin sa kolehiyo ang pinatay sa San Ramon, bayan ng Magsingal, Biyernes ng gabi.
Ayon sa pulisya, binaril si Mario Contaoi, 52, broadcaster ng Radio DZNS at guro sa University of Northern Philippines, ng isang lalaki na tumakas sakay ng motorsiklo.
Sinabi ni Sr. Supt. Rey de Peralta, police director, na naniniwala siyang personal ang motibo sa pagpatay kay Contaoi, at hindi konektado sa kanyang pagiging broadcaster.
“We are looking all other angles but definitely it is not a media related killing; it maybe personal motive,” saad ni de Peralta sa isang telephone interview.
Nakikipag-inuman umano si Contaoi sa kanyang mga kaibigan sa kanyang beach resort na malapit sa San Ramon nang saglit siyang mapahiwalay sa barkada.
Dito naman sumulpot ang isang lalaki at ilang ulit pinaputukan si Contaoi.
Buhay pa ang broadcaster nang dalhin sa Magsingal District Hospital. Inilipat siya sa North Side Hospital sa Bantay, Ilocos Sur, kung saan siya nalagutan ng hininga.
Sinabi ng asawa ni Contaoi na wala siyang alam na kalaban ng broadcaster. (Mar T Supnad)