Tatlong lalaki na pawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang napatay ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Maynila, iniulat kahapon.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dalawa sa mga nasawi ay kinilalang sina alyas “JR”, nasa edad 25-30, miyembro ng ‘Commando’ gang; at Ferdinand Gonzales, 50, ng 3145 Interior 60, Pilar Street, Tondo, Maynila.

Dakong 5:20 ng hapon kamakalawa nang isagawa ng mga awtoridad ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit ng MPD-Station 7, sa pangunguna ni Police Chief Insp. Manny Israel, ang operasyon sa panulukan ng Hermosa at Railroad Track sa Tondo, Maynila.

Tumayong poseur-buyer si PO1 John Patrick Bacaro, ngunit nang isagawa ang transaksiyon ay nakahalata umano ang mga suspek na pulis ang kanilang customer kaya kapwa bumunot ng baril at tinangkang barilin ang una.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mga kasamahan ni Bacaro at kaagad ding pinaputukan ang mga suspek hanggang sa bumulagta.

Bukod sa mga shabu at drug paraphernalia, narekober din ang kalibre .38 baril, Black Widow na kalibre .38 na walang mga serial bumber, at mga bala.

Samantala, dakong 12:15 ng madaling araw kamakalawa nang mapatay ng mga pulis ng MPD-Station 1, ang isa pang drug suspect na kinilalang si Salvador Teves, Jr., 31, umano’y miyembro ng ‘Sputnik’ gang, at residente ng 148 Antipolo Street sa Tondo.

Narekober mula sa suspek ang isang magnum .357 na baril at tatlong plastic sachet ng umano’y shabu.

(Mary Ann Santiago)