Nalambat ng mga awtoridad ang dalawa sa tatlong lalaki na nangholdap sa isang service crew sa Intramuros, Maynila, nabatid kahapon.

Kapwa nakapiit sa Station 5 ng Manila Police District (MPD) at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives and Robbery Holdup sina Pablito Galit, alyas “JR”, 19, umano’y miyembro ng Batang City Jail (BCJ) at residente ng Block 1, Gasangan, Baseco Compound, Port Area, Maynila; at Samuel Balsa, alyas “Ambo”, 20, ng Block 15, Baseco Compund.

Pinosasan sina Galit at Balsa matapos kilalanin ng kanilang biniktima na si Josie Rose Gandralo, service crew, ng Intramuros, Maynila.

Hindi na narekober ng mga pulis ang pitaka at cell phone ni Gandralo dahil ito ay tinangay ng isa pang suspek na nakatakas na kinilalang si John Paul Dela Pena, nasa hustong gulang.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Sa ulat ni Police Supt. Romeo Desiderio, hepe ng MPD-Station 5, nangyari ang pangho-hold up dakong 11:00 ng gabi ng Huwebes, sa Sta. Lucia Street, Intramuros.

Naglalakad umano ang biktima, kasama ang isang Angelica Reyes, nang harangin ng mga suspek at holdapin.

Nang makaalis ang mga holdaper ay nagsisigaw ang biktima ng, “Pulis saklolo hinoldap ako!” na nakatawag pansin sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Intramuros Police Community Precinct at dito na hinabol ang mga suspek.

Nang maaresto, narekober ng mga pulis mula kay Galit ang isang hand grenade habang nakuha naman kay Balsa ang isang balisong.

Tinutugis na ang nakatakas na suspek. (Mary Ann Santiago)