BAGUIO CITY—Isang pulis trapiko ang iniimbistigahan dahil sa pagiging arogante.
Tinanggal si Senior Police Officer 3 Alberto Tadeo bilang traffic enforcer ng Traffic Management Branch ng Baguio City Police Office at inilipat sa Apayao Provincial Police Office.
Sinabi ni Supt. Angelito Casimiro, deputy regional director for operation ng Police Regional Office sa Cordillera, na noong Disyembre 19 ay sinita ni Tadeo ang isang van sa may gilid ng Baguio City Public Market sa Magsaysay Avenue, dahil sa paglabag ng number coding scheme.
Ang van ay pag-aari ni Senior Superintendent Gregorio Lim, deputy regional director for administration ng PROCOR, na ang drayber at isa pang kasama nito ay mga pulis din.
Umalis si Tadeo na hindi binigyan ng traffic citation ticket ang driver ng van.
Kinahapunan ay nakatanggap siya ng relief order mula sa PROCOR.
Lumalabas ng naglabas ng hinaing si Tadeo sa social media dahil sa relief order. Nabigla namang ang city officials sa agarang pag-isyu ng relief order at ilan sa kanila ay nagpahayag agad ng pagkadismaya at maging sa social media ay mga negatibong komento ang tumutuligsa sa order ni Lim.
“Sana ay inisyuhan na lamang niya ng citation ticket, keysa manermon at magside-comment laban sa kanyang mga superior, na makakasira sa PNP organization,” sabi ni Casimiro.
“Saludo kami sa pagiging masipag at dedikasyon ni Tadeo bilang traffic enforcer, pero may nagawa o nasabi siyang nakakasakit sa organisasyon na sentro ng imbestigasyon ngayon at hiling ko lang sa ating city official at sa netizen na antayin ang magiging resulta ng usaping ito,” dagdag ni Casimiro. (Rizaldy Comanda)