PINAIRAL ni Sunshine Dizon ang pagiging ina ng kanyang dalawang anak na sina Doreen at Anton, kaya iniurong niya ang dalawang kasong kanyang isinampa laban sa dating asawang si Timothy Tan, ang Anti-Violence Against Women and Children at ang Concubinage, sa Senior Prosecutor Office sa Quezon City Hall of Justice last Thursday.
Napaiyak na lamang si Sunshine na hindi na niya maibibigay ang kahilingan ng mga anak na magbalikan silang mag-asawa.
Iyon na lamang pag-uurong ng mga demanda ang tangi niyang maibibigay sa mga anak nila.
Nangako rin si Sunshine sa mga ito na mananatili silang pamilya bagamat hindi na lamang tulad ng dati. Everyday naman daw ay tinutupad ni Tim ang tungkulin nito sa paghahatid-sundo sa mga bata sa school at sa bago nilang bahay.
Magpapatuloy pa rin kasi ang laban ni Sunshine, dahil isusunod na niya ang pagsasampa ng annulment case para mapawalang-bisa na ang kanilang kasal.
Hindi pa nagbigay ng pahayag si Sunshine tungkol sa kaso namang isinampa niya laban kay Clarisma Sison, malalaman na lamang daw ang mga susunod na mangyayari.
Pabirong tinanong si Sunshine kung ganito rin ba ang magiging takbo ng istorya ng afternoon prime drama series na Ika-6 Na Utos na pinagbibidahan nila ni Gabby Concepcion at kung mapapatawad din ba niya bilang Emma si Georgia (Ryza Cenon) sa paghihirap na ibinibigay nito sa kanya?
Abangan na lang din daw kung paano magwawala si Emma nang malaman na ang matalik pa niyang kaibigan ang nagtraydor sa kanya.
Napapanood ang Ika-6 Na Utos araw-araw pagkatapos ng Eat Bulaga. (NORA CALDERON)