AUCKLAND, New Zealand (AP) — Tuluyang nalagas ang mga liyamadong player sa ASB Tennis Classic nang mapatalsik din si dating world No.1 Caroline Wozniacki ni Julia Goerges ng Germany, 1-6, 6-3, 6-4, sa quarterfinals nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Mistulang major event ang torneo sa paglahok ng mga A-list player tulad nina dating world No.1 Wozniacki, Ana Ivanovic at magkapatid na Serena at Venus Williams.
Ngunit, isa-isang napatalsik ang mga seeded player kung saan umatras si Ivanovic bago pa man magsimula ang torneo, habang nasibak ang magkapatid na Williams sa second round.
Tangan ni Wozniacki, nalalabing highest-ranked player sa main draw, ang 6-1, 3-0 bentahe bago sumagitsit ang laro ni Goerges para agawin ang tempo ng laro tungo sa pinakamatikas na panalo sa kasalukuyan.
“I just tried to hang in there somehow,” sambit ni Goerges. “I just missed everything I could miss and she didn’t miss one ball.”
Makakaharap niya si eighth-seeded Ana Konjuh sa semifinals sa Biyernes. Umusad si Konjuh nang magretiro ang karibal na si Naomi Osaka ng Japan sa first set.
Ginapi ni American Lauren Davis si fourth-seeded Barbora Strycova 6-1, 7-6 (4) para maisaayos ang duwelo kay seventh-seeded Jelena Ostapenko, nagwagi kay Brengle 7-5, 6-3