KASAMA ang pagsasaayos ng mga lansangan at mga pampublikong ospital sa mga prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ng Iloilo City ngayong taon.
Sa isang press conference, inihayag ni Iloilo Governor Arthur Defensor Sr. na susubaybayan niya ang pagsesemento ng mga lansangan ng probinsiya simula ngayong buwan.
Mapupunta ang karamihan sa P3.3 bilyong budget ng pamahalaang panlalawigan sa Provincial Engineers Office para sa rehabilitasyon at konstruksiyon ng mga lansangan sa probinsiya.
Binanggit ni Defensor na ang programang KALSADA o Konkreto at Ayos na Lansangan at Daan Tungo sa Pangkalahatang Kaulanran ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine Rural Development Project (PRDP) road projects na, “resulted in the concreting of hundreds of kilometers of provincial roads in the province of Iloilo.”
Ngayong taon, ibinahagi ni Defensor na sa bagong patakaran ng Kalsada program, hindi na magbibigay ang pamahalaang panlalawigan ng kalakip na ambag sa pagkokonkreto ng partikular na proyekto sa lansangan, na dati ay 30 porsiyento.
Samantala, sa PRDP road projects, maglalaan lamang ang pamahalaang lokal ng 10%, na dati ay 30%
Tiniyak ni Defensor na mas marami pang mga Kalsada at PRDP road project ang ipapatupad sa probinsiya ngayong taon.
Bukod sa pagsasaayos ng mga lansangan, isasaayos din ng pamahalaang lokal ang 12 pampublikong ospital sa probinsiya sa kagustuhan ng gobernador na maging totoong ospital ang mga ito para sa mahihirap.
Ngayong taon, may P748.24 milyon budget ang probinsiya para sa mga ospital sa distrito.
“I want to finish the repair, rehabilitation and upgrading of the 12 hospitals in the province. I want it done fast and complete everything before the end of the year,” aniya. (PNA)