BUKOD sa maaaring pagnipis ng reserba sa kuryente sa susunod na buwan, napipinto rin ang dagdag na P1.20 kada kilowatt hour (KWH) sa singilin sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco). Bunsod ito, ayon sa Department of Energy (DoE), ng nakatakadang maintenance shutdown ng Malampaya Gas Facility mula Enero 28 hanggang Pebrero 18.

“Dahil sa pagtigil ng operasyon ng Malampaya,” wika ni DoE Undesecretary Wimpy Fuentebella, “mapipilitang gumamit ng diesel ang ibang planta ng kuryente.” Tataas ang singil sa kuryente.

Pero, plano ng Department of Finance (DoF) at Department of Budget and Management (DBM) na taasan ang buwis o excise tax sa diesel. Kaya, inalmahan ito ng transport group dahil ito ang karaniwang ginagamit ng mga driver at motorista.

Nagbanta ang grupo nang malawakang strike laban sa planong ito ng DoF at DBM. Kasi naman, ayon kay Pwersa ng Bayaning Atleta Partylist Rep. Jericho Nograles, ang diesel at iba pang produktong petrolyo ay basic commodities na may direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mahihirap. Kapag, aniya, tinaasan ang buwis sa diesel, tataas ang pamasahe at pangunahing bilihin.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ang problema sa ating mga lider, tulad ni Nograles, tinatanggap na ang karapatan ng mga dambuhalang kumpanya ng langis na magpresyo ng kanilang mga produkto. Ayaw nilang ibasura ang Oil Deregulation Law (ODL) at ibalik ang sistema na ang gobyerno ang may control sa pagpepresyo ng mga ito. Kung nais ng mga kumpanya ng langis na itaas ang presyo ng kanilang mga produkto, maghain sila ng petisyon sa DoE upang may pagkakataon ang publiko para busisiin ang batayan ng kanilang kahilingan.

Ganito ang proseso noon. Sa tuwing may kahilingan ang mga kumpanya ng langis na itaas ang presyo ng kanilang produkto, si dating Sen. Jose W. Diokno ang humaharap sa pagdinig at kinakatawan niya ang mamamayang Pilipino.

Binubusisi niya ang bawat dokumentong isinusumite ng mga kumpanya ng langis na ginagamit nilang batayan sa paghingi ng pahintulot para itaas sa ninanais nilang presyo. Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng proteksiyon ang mamamayan sapagkat naipapakita ng dating Senador ang makatwiran at makatarungang presyo ng kanilang produkto.

Nawala ang proteksiyong ito nang ipasa ng ating mga lider ang ODL. Parang itinambog nila ang sambayanan sa dagat na pinamumugaran ng mga buwaya. Bahala na ang mamamayan na mabuhay sa ikabubusog ng mga kumpanya ng langis. Ang walang patumanggang pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang produkto nito ang nagpapadukha sa mamamayan. Sila iyong mga biktima ng giyera ni Pangulong Digong laban sa droga. (Ric Valmonte)