Ipinagbabawal ng mga awtoridad ang mga street party sa Lapu-Lapu City, Cebu, upang makatiyak na hindi guguluhin ng terorismo ang selebrasyon ng Sinulog.
Hindi na pinahihintulutan ang 30 barangay captain sa Lapu-Lapu City na kumuha ng permit para magdaos street party sa kani-kanilang lugar.
Hiniling ng Central Visayas police ang street party ban kay Lapu-Lapu City Mayor Paz Radasa at sa Association of Barangay Captain (ABC) kasunod ng pambobombang bumulabog sa pista ng Hilongos, Leyte, noong Disyembre 28.
May 35 katao ang nasugutan sa pagsabog sa plaza ng Hilongos habang ginaganap ang isang torneo ng amateur boxing.
Noong Disyembre rin ay nagpalabas ang United States ng isang advisory na naghihikayat sa mga turistang Amerikano na iwasan ang ilang bayan sa Cebu dahil may balak umano ang Abu Sayyaf na mandukot ng mga dayuhan.
Pinabulaanan ng pulisya ang balita. Gayunpaman, may mga pulis na inatasang magbantay sa mga tourist spots sa katimugang Cebu.
Ayon kay Radasa, bagamat karapatan ng mga barangay na kumuha ng permit para sa nasabing pagdiriwang, mas binigyan niya ng halaga ang kaligtasan ng mga tao.
Pinayuhan din niya ang mga opisyal ng barangay na maging alerto at magsimula nang magpatrulya ngayong nalalapit na ang Sinulog, na ipagdiriwang sa Enero 15. (Fer Taboy)