MARAMI sa atin ang natitiyak kong nagkaroon ng pagkakataong makasalamuha noong nakalipas na holiday season ang ating mga kapatid na katutubo o mga indigenous people (IPs). Kinabibilangan ito ng mga Aeta, Mangyans, Lumads, Igorot, Badjaos at iba pa. Mula sa kanilang mga pamayanan – sa kabundukan, pampang-dagat at ilog, at sa kagubatan – umahon sila sa kapatagan at kalunsuran upang makibahagi sa pagdiriwang ng Pasko; at upang mabigyan naman sila ng kahit kaunting biyaya para sa kanila at sa kanilang mga mahal sa buhay.

Sa sandaling pakikipanayam sa isang mag-aanak na Aeta, napag-alaman ko na ang ilan sa kanila ay hindi man lamang natutulungan ng pamahalaang lokal na nakasasakop sa kanila, tulad ng Pampanga, Tarlac, at Zambales. Marami sa kanila ang umaasa lamang sa mga kababayan nating may mabuting kalooban na paminsan-minsang napapadako sa kanilang pamayanan.

Ibig sabihin, kahit ang katiting na ayuda mula sa milyun-milyong pisong pakinabang ng mga negosyante at local official sa hinakot nilang lahar ay ipinagkait sa naturang mga katutubo – mga kayamanan mula sa sumabog na Mt. Pinatubo na sinasabing pinagsamantalahan ng ilang negosyante at pulitiko.

Naiiba naman ang problema ng nakaniig kong Lumad na kabilang sa tribal groups mula sa ilang lugar sa Mindanao.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Dumagsa sila kamakailan sa Maynila upang muling paigtingin ang kanilang panawagan sa pamahalaan hinggil sa pagkakait sa kanila ng katarungan at paggalang sa kanilang karapatan. Matagal na nilang hinihiling na wakasan ang mga pagpatay sa kanilang mga katribo bilang pagpapahalaga sa Indigenous Peoples Rights Act. Nauunawaan ko ang tindi ng mga panggigipit sa naturang mga katutubo kaugnay ng mining projects at counter-insurgency campaign ng gobyerno. Ngunit lagi silang nabibigo.

Marapat ding ipadama natin ang tunay na diwa ng pagdamay sa mga Dumagat – isa ring IPs na namumuhay sa mga bulubundukin ng Bulacan at Nueva Ecija. Bahagi rin sila ng pamayanang nangangailangan ng pagkalinga ng pamahalaan; hindi sila dapat maging biktima ng land grabbing o pang-aagaw ng lupa at pagkakait ng katarungang panlipunan.

Nahiwatigan ko na nakatutulong din naman sila bilang mga environment watchmen na nangangalaga sa kalikasan at kapaligiran; nagtatanod sila laban sa pagkapanot ng kagubatan sa naturang mga lalawigan. Subalit patuloy na ipinagwawalang-bahala ang kanilang pagod.

Ganito rin ang misyon ng iba pang IPs na tulad ng mga Mangyan, Igorot, Badjaos at iba pa. Malayo sila sa mga kalunsuran at kabayanan, subalit sila ay bahagi ng lipunang dapat ding magtamasa ng kalayaan, karapatan, katarungan at iba pang biyaya na nakalaan sa tulad nilang mga mamamayang Pilipino. Sila ang sagisag ng mayamang kultura ng ating lahi. Kailangan nila ang makataong paglingap sa lahat ng pagkakataon.