Nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng paghihiganti ng grupong Ansal Al Khalifa para sa pagkakapatay ni pinuno nitong si Mohammad Jaafar Maguid sa Saranggani Huwebes ng madaling araw.

Nag-utos si PNP chief Ronald Dela Rosa sa kapulisan na paigtingin ang pagbabantay sa posibleng pag-atake ng teroristang grupo bilang ganti sa pagkakapatay ni Maguid.

Sinabi ni Dela Rosa na malaking kawalan si Maguid sa mga Ansar al-Khalifa at ibang grupong nakikisimpatiya sa Islamic State.

Aniya, tiyak na hihina ang kakayahan ng Ansal Al khalifa na maghasik ng terrorismo, subalit di magtatagal ay may mahahanap din itong kapalit ni Maguid.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Si Maguid, ay isang eksperto sa paggawa ng bomba. Wanted sa napakaraming kaso at itinuturong nasa likod ng Rizal Day bombing at pambobomba sa General Santos City.

Binigyan naman ng P300,000 pabuya ang mga sibilyan na tumulong sa mga tauhan ng pulisya upang mapatay si Maguid at madakip ang tatlong niyang tauhan.

Napatay si Maguid nang makipagbarilan siya at ang kanyang mga tauhan sa mga pulis na nagbabantay sa isang checkpoint sa Kiamba, Sarangani, noong Huwebes.

Inaresto din ang apat niyang tauhan.

Sang-ayon si Col. Edgard Arevalo, spokesman ng Armed Forces of the Philippines sa sinabi ni dela Rosa na malaking kawalan sa Ansar al-Khalifa ang pagkamatay ni Maguid, na pinaghihinalaan din sa pambobomba sa General Santos City kamakailan. (Fer Taboy)