Sa loob ng isang improvised drug den na itinayo sa ilalim ng Tambo bridge, dalawang holdaper at drug suspect ang napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Pasay City nitong Huwebes. Papaalis na ang lahat nang madiskubre ang nakatagong compartment sa kisame kung saan nagtatago ang dalawa nilang kasabwat.

Kinilala ni Senior Supt. Lawrence Coop, hepe ng Pasay City Police, ang mga napatay na sina Edwin Santos, 43, umano’y tulak at holdaper; isang alyas “Sato”.

Arestado naman sina alyas “Uno” at “Ray”, at dinala sa Pasay City Police para isailalim sa imbestigasyon.

Ayon kay Coop, dakong 4:30 ng hapon, nagsasagawa ng Oplan Tokhang ang elemento ng Airport Police Community Precinct (PCP) sa ilalim ng Tambo Bridge, Electrical Road corner MIA Road, Barangay 191, nang makaengkuwentro nila ang mga suspek.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Pugad talaga ng mga pusher-user, holdaper, snatcher itong area. Habang nagto-Tokhang ang mga tao natin, nakatanggap sila ng tip na armado nga itong mga suspek,” pahayag ni Coop sa Balita.

Sa sobrang liit ng espasyo sa lugar ay nahirapan ang mga elemento ng Airport PCP na matunton ang kanilang mga target.

Isang maling galaw lang ay maaari silang mahulog sa maruming ilog. Maya-maya pa’y nakarinig na ng mga putok ng baril, gumanti ang mga pulis at makalipas ang kalahating oras, napatay sina Santos at Sato.

HIDDEN COMPARTMENT

Mangangalap sana ng litrato si “Jayson”, photographer sa isang tabloid newspaper na isa sa mga unang nakapag-cover sa insidente, nang madiskubre nila ang isang compartment na nakatago sa kisame ng bahay.

Sinabi ni Jayson sa Balita na sinabihan niya ang mga kasama niyang pulis na umurong dahil napakaliit ng espasyo.

Sa pag-urong ng isa sa mga pulis, aksidente nitong naisandal ang kanyang kamay sa kisame at bumukas, at nadiskubreng doon nagtatago ang dalawang suspek. Makailang sandali at tuluyan nang naaresto ang mga ito.

“Nagulat ako kasi kinatok ko yung kisame doon matigas eh, semento. Hindi mo aakalain na may nakatago pang kuwarto,” pahayag ni Coop.

Dakong 8:00 na ng gabi nang makuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ang mga bangkay ng suspek.

Narekober ng awtoridad ang isang caliber .38 revolver, dalawang improvised na baril at dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Samantala, itinanggi naman ni Myra, live-in partner ni Santos, na sangkot siya sa illegal drug trade.

“Lahat ho ng kinakain namin galing sa malinis na pera. Malinis po ang konsensya namin hindi ho galing sa droga yung pinangkakain namin,” umiiyak na pahayag ni Myra. (MARTIN A. SADONGDONG)