Malugod na ibinalita ng Department of Health (DoH), bagamat maaari pa umano itong mapababa, na umabot lamang sa 630 ang kabuuang bilang ng firecracker-related injuries sa pagsalubong sa Bagong Taon, mas mababa ng 32 porsiyento o 292 kaso kumpara sa 922 kaso noong nakaraang taon.
Mismong si Health Secretary Paulyn Jean Ubial ang nagkumpirma nito matapos nilang itigil ang pagbibilang na sinimulan noong Disyembre 21, 2016 hanggang Enero 5, 2017.
Ayon kay Ubial, sa naitalang 630 kaso, 627 ang nasugatan dahil sa paputok at tatlo ang nakalulon ng paputok.
Wala namang iniulat na namatay dahil sa paputok.
Ang 192 o 31 % ay dahil sa piccolo; sinusundan ng kuwitis, 89 o 14%; luces, 38 o 6%; five-star, 32 o 5%; at iba pang unidentified/unknown firecrackers, 54 o 9%.
“We would like to extend our gratitude for the support of other national agencies, the local governments, non-government organizations, and the media for the anti-firecracker campaigns. We do hope that eventually we will attain zero casualties from fireworks during the holidays. The cooperation of local government units that organized public firework displays contributed to success of this campaign,” ayon kay Ubial.
Kaugnay nito, muli namang umapela si Ubial sa publiko na kung may natitira pa silang paputok sa kanilang mga tahanan ay huwag nang gamitin pa at sa halip ay buhusan na lamang ng tubig.
“Nasa ating mga kamay ang maisulong na tuluyang ipagbawal ang paputok sa ating bansa. Isipin natin ang mga buhay na ating masasagip kung tayo ay iiwas sa paggamit ng paputok. Maraming ligtas na paraan upang ipagdiwang ang Bagong Taon,” dagdag pa ng Kalihim. (Mary Ann Santiago)