Sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso, pagtitibayin ng House Committee on Housing and Urban Development ang mga panukalang poprotekta sa mga bumibili ng bahay sa subdivision at condominium units.
Tiniyak ni Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte, committee vice chairman, na tatalakayin at pagbobotohan nila ang House Bill No. 1337 na inakda ni Rep. Scott Davies Lanete (3rd District, Masbate), HB 3150 ni Rep. Gary Alejano (Party-List, Magdalo) at HB 4534 ni Rep. Victor Yap (2nd District, Tarlac).
Binanggit niya na kailangan nang baguhin ang Presidential Decree No. 957 (“Regulating the Sale of Subdivision Lots and Condominiums, Providing Penalties for Violations Thereof) na inisyu noong 1976 ng dating Pangulong Marcos upang makatugon sa pangangailangan ng panahon.
Ipinanunukala ni Yap ang mas mabigat na parusa sa mga developer at seller sa mga nagawang paglabag, tulad ng pagkabigong makumpleto ang proyekto sa napagkasunduang petsa. (Bert de Guzman)