coco-copy

KUMPIRMADO, extended ulit ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin dahil may panibagong journey na naman sina Cardo Dalisay at Onyok.

Base sa napapanood ngayon sa aksiyon serye, pugante na si Cardo na pinagbibintangang pumatay kay Director Acosta (Dindo Arroyo) na ang totoong pumatay ay si Joaquin Tuazon (Arjo Atayde).

Sa bahay ni Jayson Gainza sa Tondo nakituloy si Cardo bitbit si Onyok at nagpaplanong magtago sa malayong probinsiya.

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

Nabanggit ni Coco sa kanyang thankgiving presscon nitong nakaraang Huwebes sa Victorino’s Restaurant na sa Cebu ang susunod nilang taping.

“Naisip po kasi namin ngayong January kung ano pa ba ‘yung hindi pa namin nata-tackle na kuwento? At ano pa ba ‘yung kuwento na magagawa natin na mas lalo pang mapaganda.

“And then naisip din po namin na kaysa mag-shooting kami abroad para ipakita ang magagandang lugar sa ibang bansa, bakit hindi na lang natin ipakita ang ganda ng Pilipinas?

“Kaya napag-isipan po namin na gumawa ng kuwento at hindi pa namin naipapakita, kaya sa Cebu, sa Bohol, sa Palawan, sa Davao... kung baga, napakarami pang puwede nating ipakita kasi lahat naman ‘yan, may kanya-kanyang kuwento. Hindi naman lang natin ipapakita ‘yung mga pangit o mga illegal lang na gawain, marami tayong puwedeng i-tackle diyan,” kuwento ng Primetime King.

Gusto rin niyang makadiskubre ng local talents sa bawat probinsiya na pagsusyutingan nila at isasama niya sa serye dahil naniniwala siya sa talento ng Pinoy.

Katulad nga raw ni Onyok na noong una ay hindi naman nila pinili dahil wala pa namang alam, pero nabagbag daw ang kalooban niya nu’ng uwian na at tumingin ito sa kanya sabay sabing, “Kunin n’yo ako, ha?”

Ipinatawag ni Coco at pinaarte, at nakita niya na may mata ang bagets at puwedeng i-develop. Mapapansin na sa mga unang episode ng Probinsyano ay puro mulagat ang ginagawa ng batang aktor dahil sinusunod niya ang utos ni Coco.

“Sabi ko sa kanya, ganito gagawin mo, sasabayan mo lang ako at nakukuha niya kaya sabi ko, puwedeng i-develop, kaya hayan, mainstay na siya,” kuwento ng aktor.

Pero hindi lang pagdiskubre ng talent ang ginagawa ni Coco, marami rin siyang natulungang OFW na matagal nang nasa ibang bansa at gustong makauwi ng Pilipinas pero hindi magawa dahil kapos sa pera.

“Mahirap po kasi ang maging OFW, nasubukan ko ‘yan dahil nagtrabaho ako sa Canada ng siyam na buwan, sobrang lungkot po. Honestly po, namumulot ako ng mga in can na softdrinks at plastic bottle. Iniipon ko ‘yun ng isang buwan ‘tapos ibebenta ko ‘yun nakaka-P4,900 ako at idadagdag ko ‘yun para ipadala sa lola ko.

“Kaya ramdam ko ang tinatawag na homesick. Maski na may mga pera sila, hindi naman nila ma-enjoy kasi wala naman sa tabi nila ang pamilya nila, may pambili ng inom, wala namang kainuman.

“’Yung ibang OFW na hindi alam ng iba, nagbabasura para may makain, nanghuhuli ng ibon at nangunguha sila ng itlog ng kalapati para may makain. ‘Tapos pinagbabawalan naman silang mag-fishing.

“Kaya sabi ko, ito ang mga taong masarap tulungan na gustung-gustong umuwi at kailangan ang tulong natin. Kaya sabi ko, isa man lang sa kanila ay tulungan natin kaya nagpa-research po kami kung sino ‘yung matagal nang nandoon na hindi makauwi. Kaya nakapagpauwi po kami at nabago ang buhay nila, gayundin po ‘yung sa Dubai.

“’Tapos nu’ng nagpunta po kami ng Hong Kong, free show po ‘yun, nakapagpasaya po kami ng mga kababayan nating OFW din. Hindi po kami nagpabayad, honestly po, sabi ko, ayaw kong pumunta diyan kung babayaran tayo. Kasi po ang hirap ng buhay doon, napakaimportante sa kanila ng bawat kinikita nila, kasi iniipon nila ‘yun para ipadala sa Pilipinas.

“Kaya sabi ko, ayokong magpabayad at ayoko ring may bayad sila kasi para sa pamilya nila ‘yun. Sabi ko, ang totoong pagpapasalamat sa tao, dapat libre ‘yan,” mahabang kuwento ni Coco.

Binanggit ng ad-prom manager ng Dreamscape Entertainment na si Eric John Salut na libre rin ‘yung Ang Pasasalamat ng Ang Probinsyano sa Smart Araneta Coliseum noong Oktubre.

“Originally po, may bayad ‘yung mga tao, ‘kaso sabi ni Coco, hindi ako magso-show kapag pinagbayad ang mga tao,” kuwento ni Eric.

Hindi na nakakapagtaka kung bakit panay ang dating ng biyaya kay Coco Martin, dahil marunong siyang magbahagi nito sa mga kababayan natin. (REGGEE BONOAN)