Naghahanda na ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) para sa ikatlong serye ng peace talks sa Enero 18 na gaganapin sa Rome, Italy.
Sa press conference sa Kalibo, Aklan kahapon, sinabi ni Maria Concha Araneta-Bocala, miyembro ng Joint Monitoring Committee ng CPP-NPA, 84 na pahina ang kanilang inihandang report para sa usapang pangkapayapaan sa pamahalaan.
Tatalakayin sa ikatlong bahagi ng negosasyon ang mga programang pang-ekonomiya, pagsagawa ng imbestigasyon sa extra judicial killings, pagpalaya sa may 400 pang political prisoner, isyu ng malabong libreng tuition fee sa mga estudyante, harassment ng mga militar at iba pa.
Sinabi ng CPP-NPA na balak nilang kanselahin ang ceasefire agreement sa pamahalaan dahil sa diumanoy maraming paglabag ng administrasyong Duterte.
Nasa Aklan si Bocala para ilunsad ang Kapayapaan-Aklan na naglalayong isulong at ipaliwanag ang kahalagahan ng peace talk sa bansa. (Jun N. Aguirre)