ANO ba itong ibinabando ng isa sa mga departamento ng Philippine National Police (PNP) na sobrang bumaba raw ang bilang ng krimen sa buong bansa simula nang pumasok ang administrasyong ito ni Pangulong Rodrigo R. Duterte at umpisahan ang sarili nitong istilo ng pakikibaka laban sa ilegal na droga?

Ang dami nang numerong inilabas kaugnay sa bilang ng mga krimeng naganap noong nakaraang taon, sa ilalim ng dating administrasyon at ikinukumpara naman sa mga naganap sa kasalukuyang administrasyon, simula nang mamuno si PDG Ronald “Bato” dela Rosa bilang PNP Chief – at nakasentro ang pagbibilang sa mga krimen gaya ng theft, robbery at homicide sa loob ng unang limang buwan ng kanyang panunungkulan.

Hindi ko na ilalahad dito ang mga numerong ito dahil nasisiguro kong sasakit lamang ang inyong ulo sa inis gaya ng nararamdaman ko – kasi, pare-pareho tayong laman ng kalye at nakakahalubilo natin ang mga tao sa paligid – alam nating hindi naman kumakatawan sa tunay na nagaganap sa kapaligiran, na aktuwal nating nakikita, nararamdaman at nararanasan, ang mga numero o istatistikang binabanggit ng mga taga–Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM).

Para sa akin, mga “bulaklak ng dila” lamang ito ng mga opisyal ng naturang departamento ng PNP upang mapasaya nila ang kanilang BOSS na si CPNP Bato – na alam nilang maaari silang sibakin sa puwesto anumang oras na ‘di ito matuwa sa kanilang ginagawang mga report.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang nakapipikon kasi rito, ay ‘yung ipinagmamalaki nilang bumaba raw ang mga kaso ng homicide samantalang ‘di na nga magkandatuto ang mga presinto sa pagbilang sa mga napapatay ng mga riding-in-tandem. Paano naman ‘yung mga itinatapong bangkay sa mga ilog at madidilim na lugar - na mga adik at pusher daw – saang istatistika kasama ang mga ito?

Hindi ba ito’y mga uri rin ng pagpatay gaya ng homicide o murder? Nagagalit sila at ayaw pumayag na tawaging mga biktima ng “extrajudicial killings” o EJK ang mga napapatay na ito na mahigit 6,000 na dahil pinaninindigan nilang wala raw EJK na nagaganap sa bansa – eh, anong itatawag natin dito?

At ‘yung pagbaba umano ng theft at robbery – pumasyal kaya kayo sa matataong lugar, kahit na rito na lamang sa Metro Manila, tanungin ninyo ‘yung mga mamamayang laman ng kalye at mga bangketa kung tama ang istatistika ninyo. Ito kasi ang totoo – mas maraming snatching, theft, salisi at iba pang petty crimes ang nagaganap ngayon sa kapaligiran na hindi na naire-report sa mga presinto. Ang dahilan - yung mga yagit na mga adik at pusher na sumuko na ngunit wala namang malinaw na programa kung paano mari-rehabilitate ay balik-kalye ulit at balik sa dating gawi – sa pagnanakaw.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)