Tatlong araw na lamang bago idaos ang traslacion ng Poong Nazareno at naririto ang mahahalagang paalala at impormasyon para sa mamamayan:

KLASE SA MAYNILA, SUSPENDIDO

Opisyal nang inanunsiyo kahapon ni Manila City Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada na suspendido ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa Maynila, sa Lunes, Enero 9, upang bigyang-daan ang Traslacion 2017.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

NO FLY ZONE, SIGNAL JAMMERs, NO BACKPACK

Magpapatupad ng ‘no fly zone’ sa Quirino Grandstand at mga bisinidad ng Quiapo Church, at gagamit din ng signal jammers upang maiwasan ang anumang pananabotahe. Puputulin din ang signal ng mga komunikasyon.

CITY-WIDE CHECKPOINTS, SIMULA NA

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, kagabi pa lamang ay nagsimula na silang magpakalat ng mga pulis sa paligid ng Quiapo Church upang masiguro ang kaligtasan ng mga deboto.

WALANG PAGBABANTA, PERO INGAT

Tiniyak ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Police Chief Supt. Oscar Albayalde na walang anumang imminent threat o banta sa traslacion, ngunit hindi niya inaalis ang posibilidad ng terorismo sa pagdiriwang.

MATATANDA, BATA ‘WAG NANG ISAMA

Nagpaalala ang mga pulis na huwag nang magsama ng matatanda, bata at may sakit na posibleng maipit sa prusisyon dahil sa dami ng tao.

Pinayuhan din ang mga deboto na huwag nang magsuot ng mamahaling alahas, magdala ng magandang cell phone at pera, upang hindi mabiktima ng mga kawatan.

Mas makabubuti rin umanong magbaon ng tubig at pagkain upang hindi magutom at mauhaw, gayundin ng panangga sa araw at ulan; tulad ng payong, sombrero, at jacket.

PERMIT TO CARRY FIREARMS, WALANG BISA

Inirekomenda na kay PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pagsususpinde ng permit to carry firearms sa Maynila, sa loob ng 48-oras o mula 8:00 ng umaga ng Enero 8, hanggang 8:00 ng umaga ng Enero 10, 2017.

LIBU-LIBONG PULIS, IPAKAKALAT

Ayon kay, handa na rin ang lahat ng ahensiyang miyembro ng Task Force gaya ng MMDA, PCG, DoH, DPWH, Manila City Government, AFP at MPD, maging ang mga augmentation forces.

Magpapakalat, aniya, sila ng 4,190 pulis at 650 sundalo na magsisilbing security force at sa kabuuan ay aabot sa 5,873 security force ang idi-deploy, kasama rito ang mga tauhan ng AFP, MMDA, local government unit (LGU) at iba pang force multipliers mula sa mga barangay. (Mary Ann Santiago)