Patay ang isang pulis habang nanganganib naman ang buhay ng kanyang kabaro matapos pagbabarilin ng apat na lalaki na umano’y sangkot sa ilegal na droga sa Pasay City, nitong Miyerkules ng hapon.
Dead on arrival sa ospital si PO1 Enrico Domingo, nakatalaga sa Special Operations Unit (SOU) ng Pasay City Police, sanhi ng dalawang tama ng bala sa dibdib at katawan.
Patuloy namang ginagamot ang kanyang kabaro na si PO2 Harley Garcera.
Sa ulat na natanggap ni Pasay City Police chief Senior Supt. Lawrence Coop, dakong 5:20 ng hapon nangyari ang insidente sa panulukan ng Pestanas Street at Park Avenue, Barangay 69, Zone 9 ng nasabing lungsod.
Lumilitaw na nagsasagawa ng anti-criminality operation ang dalawang biktima, kasama ang isa pang kabaro na si PO1 Tim Santos, sa panulukan ng Sen Gil Puyat Avenue at Taft Avenue, nang makatanggap ng tip na may apat na drug personality na nagsasagawa ng pot session sa Park Avenue Bgy. 69, Zone 9.
Pagdating ng tatlong pulis sa lugar ay agad umano silang pinaputukan ng mga suspek, isa rito ay kinilalang si Randy Lizado y Cadiente, nasa hustong gulang, umano’y miyembro ng Sigue-Sgue Sputnik, holdaper, at ex-convict.
Dahil dito’y napuruhan si Domingo at nadaplisan naman si Garcera.
Ayon kay Coop, bukod kay Lizardo, tukoy na nila ang tatlo pang suspek ngunit hindi pa umano ito maaaring pangalanan dahil patuloy pa ang hot pursuit operation laban sa mga ito. (Bella Gamotea)