Handang-handa na ang Pilipinas para sa 65th Miss Universe.

“Everything is in place, we just had a successful meeting,” sabi ni Tourism Secretary Wanda Teo, sa press matapos ang inter-agency meeting sa Department of Tourism (DoT) main office kahapon.

Sa pulong ng multi-agency representatives kasama ang pageant organizers at private partners, isinapinal ang dalawang linggong itinerary bago ang coronation night sa Enero 30 sa Mall of Asia sa Pasay City.

Inihayag ni Teo ang destinasyon ng Miss Universe candidates na magsisimula sa Boracay (Enero 14), Vigan (Enero 15), Manila (Enero 16), Cebu (Enero 17), Baguio (Enero 18), Davao, at Batangas (Enero 19).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa Vigan gaganapin ang terno fashion show habang itatampok sa Davao ang Mindanao tapestry gaya ng naunang ipinahayag.

Lilipad ang lahat ng kandidata sa Cebu City para sa swimwear presentation. Sa Batangas naman kukunan ang kanilang photo shoot sa beach wear.

Mamimitas sila ng strawberry sa summer capital ng Pilipinas at masisilayan ang solar painting ng bantog na Cordilleran artist na si Jordan Mang-osan sa Baguio Country Club.

“Isang malaking karangalan sa kagaya kong artist na makapiling ang mga kandidata sa kanilang mga activities sa pagbisita sa ating siyudad,” masayang pahayag ni Mang-osan sa isang panayam.

Kinumpirma ni Teo na kinansela na ang event sa Albay na matinding sinalanta ng bagyong ‘Nina’, gayundin ang photo shoot sa Iloilo dahil naman sa problema sa schedule.

Magkakaroon ng courtesy call ang mga kandidata ng Miss Universe kay Pangulong Duterte sa Malacañang sa Enero 23.

Ayon kay Secretary Teo, mauunang darating si Miss US Virgin Islands sa bansa ngayong Sabado. Inaasahan namang magsisidatingan ang iba pang mga kandidata mula Enero 12 hanggang 13. (AA Patawaran at Rizaldy Comanda)