“MAS okay pa nga po na hindi ako nakapasok sa BoybandPH, mas maganda pala ang magiging career ko,” diretsong sabi ni Mark Oblea nang makita namin sa ABS-CBN nitong nakaraang Martes.
May taping si Mark ng My Dear Heart sa malapit lang sa ABS-CBN kaya sumaglit siya para kumain.
Baka ito raw ang destiny niya, maging artista na pinangarap naman talaga niya kaya siya sumali sa Pinoy Boyband Superstar.
“Actually, gusto ko po talagang mag-showbiz kaya sumali ako sa PBS, eh, hindi naman ako nakapasok, na parang naging mas okay kasi napunta ako sa talagang gusto ko. Pero hindi ko pa rin po iiwan ang pagkanta,” sabi ng binata.
Laking Cavite si Mark at nag-aral sa Perpetual Help College simula elementarya, high school at Hotel and Restaurant Management na hindi naman niya nagagamit dahil nga napadpad na siya sa singing.
Hindi itinanggi ng aspiring actor na naging pasaway siya noong edad 19.
“Hindi naman po ako nalulong sa drugs, nasubukan ko lang mag-marijuana at ecstacy kasi sa barkada, libre po kasi, kaya tanggap lang ako nang tanggap. Kung baga, peer pressure na rin po.
“Siguro po mga three weeks na ganu’n, hanggang sa na-realize ko, parang wala namang nababago o nangyayaring maganda sa buhay ko, kaya ako na rin po mismo ang tumigil.
“Binago ko na po ang buhay ko kasi nahiya na ako sa mama ko, siya lang po ang meron ako ngayon. Wala po kasi akong tatay, iniwan kami nu’ng ipinagbubuntis pa lang ako kaya hindi ko siya nagisnan.
“Sa lahat po ng problema ko na pinagdaanan ko, hindi ako iniwan ng mama ko, kaya pinilit kong magbago para sa kanya at kaya rin po ako nagpupursige para sa kanya,” kuwento ni Mark.
Siya ngayon ang tumatayong breadwinner ng pamilya. Ikalawang anak siya sa una at may dalawang kapatid naman siya sa ikalawang asawa ng ina na nawala na rin.
“Lahat po ng raket, pinasok ko para kumita, ‘yung pagkanta-kanta po sa malls, sa mga probinsiya. Minsan po, dalawang beses sa isang linggo, kikita ako ng 5,000 kasi 2,500 po per show.
“Ibibigay ko sa mama ko ‘yung 3,000, maiiwan sa akin 2,000 at pagkakasyahin ko po ‘yun hanggang sa magkaroon ulit ako ng work. Kapag wala po akong kinita, tiis-tiis kami. Minsan tumutulong ang lola kong nagwo-work sa Japan, nanay po ng mama ko, gusto ko na rin pong pauwiin kasi 60 years old na, nagtatrabaho pa, nag-aalaga ng bata po,” seryosong kuwento ni Mark.
Hindi ba niya hinanap ang papa niya?
“Actually, hindi na po, kasi nasanay na rin naman ako o kami. Nagparamdam naman ang mga Oblea (pamilya ng ama) nu’ng PBS kasi sabi nila, support daw nila ako. Nagpasalamat naman po ako. Pero hindi ko na siya hinanap pa, alam ko may pamilya na siya at may kapatid akong babae na bata pa.
“Kaya ko naman po buhayin ang mama ko at mga kapatid, si Kuya kapapasok lang sa call center kaya may nakakatulong na rin po sa amin.”
Lumambot ang puso namin kay Mark na binalak sana naming gulatin ng mga tanong nang mapansin naming tigasing magsalita, as in parang kanto boy ang dating, pero sa narinig naming kuwento ng buhay niya ay lubos namin siyang naunawaan.
“Actually, tambay po ako dati as in kanto boy po kasi nga walang permanenteng trabaho, so ganu’n po naging buhay ko noon. Pero ngayong may nagbukas sa akin ng pinto, talagang hindi ko na pakakawalan pa,” pahayag ng binata.
Matagal nang gustong pumasok sa showbiz ni Mark, pero bakit sa PBS siya sumali?
“Naku, hindi na po ako baguhan sa audition, lahat sinubukan ko na, Starstruck sa GMA, Artista Academy sa TV5, at ‘tong PBB (Pinoy Big Brother), lahat po hindi ako tinanggap, mukhang hindi nila ako gusto,” napangiting sabi sa amin.
“Naawa na nga po mama ko sa akin kasi wala naman daw nangyayari sa lahat ng pinapasukan kong audition, kaya sabi niya tumigil na ako. ‘Tapos dumating itong Pinoy Boyband, sabi ko sa mama ko, ‘Ma, last chance na po ito, ‘pag hindi ako tinanggap, aalis na lang ako ng bansa, siguro para doon ako, o gamitin ko na lang ang tinapos ko.
“Actually, nag-apply din po akong maging flight attendant sa PAL, for interview na po ako, ‘kaso biglang tumawag ang PBS, eh, mas pinili ko po ang PBS, kasi ito naman talaga ang gusto ko.”
Mukhang para sa showbiz nga talaga si Mark dahil hindi man siya nakapasok sa PBS, heto at pasok siya sa My Dear Heart at Wansapanataym sa buong buwan ng Enero kasama sina Loisa Andalo at Jameson Blake ng Hashtag.
“Sabi ko nga po, ang suwerte ko kasi napasok agad ako sa dalawang serye, nagpapasalamat po ako sa Dreamscape Entertainment, kay Sir Deo (Endrinal) at kay Sir Erickson Raymundo kasi sila kaagad ang umayos,” sabi ni Mark.
Bilang finalist ng PBS ay nakatanggap naman daw siya ng P100,000 na agad niyang ibinigay sa mama niya.
“Kay Mama ko po kaagad ibinigay, sabi ko, bigyan na lang niya ako ng panggastos at pambayad po ng uupahan kong condo na malapit sa ABS-CBN para po malapit lang,” kuwento ng binata.
Kapag kumita ng malaki, “Ibibili ko po kaagad ng bahay para sa mama ko, kasi ‘yung bahay namin sa Cavite, me problema po, eh. Kaya ito po talaga ang plano ko, makabili ng bahay para sa kanila. Saka na lang po ‘yung para sa akin.”
Masipag, matiyaga at mabait sa magulang at mga kapatid, kaya hindi imposibleng matupad ang pangarap ni Mark.
Kung totoong dati lang siyang tambay sa kanto, bakit maganda, makinis at maputi ang kutis niya?
“Baka po dahil sa Mestiza soap,” kaswal niyang sagot.
Kanino siya nagpapa-facial?
“Facial? Wala po, mahal ‘yun, hindi ko po kaya. Mestiza soap nga lang po, tig-50 pesos lang, sa Watson’s ko lang po binibili,” sagot ulit ng binata.
Akalain mo, laking kanto pero vain pala?
“Ha-ha-ha, barkada ko po nagsabi na gumamit ako nu’n, eh, maganda pala, itinuloy ko na po.”
Kayumanggi si Mark sa TV screen pero maputi pala sa personal at maangas talaga ang dating, as in, kaya siguro kinuha ng Dreamscape Entertainment kasi kailangan nila ng mala-Robin Padilla ang dating, tigasing kanto.
May girlfriend na ba siya?
“Wala po ngayon, kasi nga po inuna ko itong PBS, so gusto ko pong mag-concentrate at ngayong nakapasok na po ako sa showbiz, saka na po ang girlfriend. Makakapaghintay naman ‘yan. Mahirap po kapag kumakalam ang sikmura,” magandang katwiran ng binata.
Pagkatapos ng panayam namin ay ginud-luck namin si Mark na labis-labis naman ang pasasalamat. (REGGEE BONOAN)