NAPAG-ALAMAN na ang mga lalaking mababa ang lebel ng vitamin D ay mas nanganganib na sa madalas na pagsakit ng ulo, ayon sa bagong pag-aaral mula sa Finland.

Sinuri ng pag-aaral ang impormasyon mula sa 2,600 kalalakihang Finnish mula sa edad 42 hanggang 60 na nagbigay ng blood samples at sumagot sa mga katanungan tungkol sa madalas na pananakit ng ulo. Orihinal na bahagi ang kalalakihan sa pag-aaral tungkol sa risk factor ng sakit sa puso, na sinuri simula 1984 hanggang 1989.

Halos 70 porsiyento ng kalalakihan sa pag-aaral ang may blood vitamin D na mababa sa 20 nanograms per milliliter (50 nanomoles per liter), na sa pangkalahatan ay itinuturing na kakulungan ng vitamin D. Isang problema ang mababang lebel ng vitamin D sa Finland at iba pang Nordic countries, dahil ang mga bansang ito ay malayo sa norte kaya hindi gaanong nasisinagan ng araw, na kinakailangan ng katawan para magkaroon ng vitamin D, saad ng mga researcher.

Karaniwan sa kalalakihang nakararanas ng pananakit ng ulo – nangyayari isang beses kada linggo – ay may vitamin D level na 15.3 ng/ml (38.3 nmol/L), kumpara sa 17.6 ng/ml (43.9 nmol/L) sa mga lalaking hindi nakararanas nito.

Metro

11K pulis, ide-deploy; 50K raliyista inaasahang dadalo sa ikatlong 'Trillion Peso March'

Ang kalalakihan na nagtataglay ng pinakamababang vitamin D levels (mababa sa 11.6 ng/ml o 28.9 nmol/L) ay doble ang posibilidad sa madalas na pagsakit ng ulo, kumpara sa mga lalaking mataas ang vitamin D levels. (above 22 ng/ml or 55 nmol/L.)

Ang pag-aaral ay karagdagan sa dumadaming ebidensiya na nag-uugnay sa mababang vitamin D level sa mataas na panganib sa pagkakaroon ng mga sakit at kondisyon, kabilang ang pananakit ng ulo. Ang bagong pag-aaral ay isa sa pinakamalaking pag-aaral para suriin ang kaugnayan ng vitamin D at ng pananakit ng ulo, ani researchers.

Dahil tanging kalalakihan lamang ang kalahok sa pag-aaral, hindi tiyak kung ang resulta ay maaaring iugnay sa kababaihan, saad ng mga siyentista.

Kailangan pang magsagawa ng karagdagang mga pag-aaral upang masuri kung makakatulong ang vitamin D supplement sa madalas na pagsakit ng ulo, ani researchers. Inilathala ang pag-aaral nitong nakaraang Martes sa journal na Scientific Reports. (Live Science)