Nanawagan ang libu-libong residente ng Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City na hakutin na ang tone-toneladang basura sa kanilang lugar.
Nagsimula ang kalbaryo sa basura ng mga residente ng Sitio San Roque 1 at 2, North Triangle sa naturang barangay noong Disyembre 26 nang hindi na pumapasok sa kanilang lugar ang mga garbage truck ng LEG hauling services, na kinontrata ng pamahalaang lungsod para maghakot ng basura sa District 1.
Lumiham si Kagawad Eduardo Alcoy kay QC Mayor Herbert “Bistek” Bautista na aksyunan na ang krisis sa basura sa kanilang barangay.
Sa letter of request ni Alcoy na may petsang Disyembre 29, 2016, sa Office of the City Mayor na idinaan kay Garbage Collection Division chief Jessen Balingit ng Environmental Protection and Waste Management Department (EPWMD), sinabi nito na maaaring magdulot ng sakit sa mga residente ang mga nakatambak na basura. (Rommel P. Tabbad)