Nasa ilalim na ng Witness Protection Program si Kerwin Espinosa, ang sinasabing bigtime drug lord sa Eastern Visayas at anak ng pinaslang na si Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte.
Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na bago mag-Pasko nang maaprubahan ang full coverage ni Espinosa sa programa.
Ayon kay Aguirre, wala nang balakid sa paglagay kay Espinosa sa witness protection matapos siyang ilipat sa kustodiya ng National Bureau of Investigation mula sa Philippine National Police (PNP).
Ngayong nasa witness protection na siya ay inaasahang magiging testigo siya ng Department of Justice sa reklamo nitong protektor ni Senador Leila de Lima ng mga sindikato ng iligal na droga.
Inamin na ni Espinosa sa pagdinig ng Senado na binigyan niya si De Lima, sa pamamagitan ng dati nitong driver-bodyguard na si Ronnie Dayan, ng P8 milyon para magamit sa pangangampanya ni de Lima bilang senador noong 2016.
(Beth Camia)