Angelique Kerber

BRISBANE, Australia (AP) — Naipahayag ni Angelique Kerber sa media conference ng torneo na ramdam niyang magiging kaaya-aya ang taong 2017.

Ngunit, tila taliwas ang ihip ng kanyang kapalaran.

Nabigo ang top-ranked German na makausad sa Final Four ng Brisbane International nang magapi ni No.6 Elina Svitolina 6-4, 3-6, 6-3 nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Umabot sa Finals ng torneo si Kerber sa nakalipas na season na nagsilbing pabuwenas niya tungo sa tagumpay sa Australian Open kung saan tinalo niya si dating World No.1 Serena Williams para sa kauna-unahang Grand Slam title.

Umusad din siya sa Finals ng Wimbledon at Rio Olympics bago nasungkit ang ikalawang major title nang pagbidahan ang U.S. Open. Bago natapos ang nakalipas na taon, naagaw niya kay Williams ang pagiging world No.1.

“Of course I’m disappointed that I lost here in the quarters (but) I think I’m happy about my start,” pahayag ni Kerber.

“I’m not worried about my serve. I know I can improve it, but, I mean, that’s the second match of the year, the first tournament. It was not a bad match. I think we both play on the really high level tonight ...so, yeah, next.”

Hawak ni Svitolina ang karangalan bilang tanging player na nagwagi sa dalawang world No.1 player sa nakalipas na taon nang hiyain niya si Kerber sa Beijing at si Williams sa Olympics. Bunsod nito, nailapit ng 22-anyos na Ukrainian ang head-to-head career record kay Kerber sa 5-4.

Makakasagupa niya sa semifinals si U.S. Open finalist Karolina Pliskova, namayani kay eighth-seeded Roberta Vinci 3-6, 6-2, 6-2.

Bumalikwas naman mula sa 1-4 paghahabol sa fist set si French Open champion Garbine Muguruza para maigupo si No.5 Svetlana Kuznetsova 7-5, 6-4 para maisaayos ang semifinal duel kay Alize Cornet, nagwagi kay second-seeded Dominika Cibulkova 6-3, 7-5.