SA pagtakas ng 158 preso sa North Cotabato District Jail (NCDJ) kamakalawa, kagyat ang aking reaksiyon: Hudyat ito ng pagpapabaya ng kinauukulang mga tauhan ng gobyerno; maliwanag na may pagkukulang sa maayos na pamamahala ng mga bilangguan sa buong bansa, lalo na sa malimit pangyarihan ng mga jailbreak.

Sa pagtalakay sa nabanggit na isyu, hindi ko panghihimasukan ang pagtupad sa tungkulin ng mga alagad ng batas at iba pang security forces na nagtatanod sa mga preso. Kailangan ang personal na kaalaman upang matiyak kung nagkaroon nga ng pagtakas o pagpapatakas ng mga bilanggo. Manapa, pagtutuunan ko ng pansin ang isang bahagi ng pamamalakad sa mga bilibid, batay sa personal na kaalaman o obserbasyon.

Noon, at hanggang ngayon, matindi pa rin ang problema sa pagsisiksikan ng mga preso sa maraming bilangguan. Sa New Bilibid Prison (NBP), halimbawa, mahigit na 20,000 ang nakakulong samantalang ito ay nakalaan lamang sa 10,000 inmates. Ganito rin ang situwasyon sa Manila City Jail, Quezon City prison at marami pang bilibid sa buong kapuluan.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

Maliwanag na matindi ang pangangailangan sa konstruksiyon ng mga dagdag na bilangguan, lalo na ngayon na katakut-takot na ang mga user, pusher at drug lord na nakakulong; tiyak na marami pang makukulong. Mistulang mga lata ng sardinas ang nasabing mga bilangguan.

Hindi na dapat magpaumat-umat ang mga awtoridad upang ipatupad kaagad ang naudlot na paglilipat ng NBP sa Nueva Ecija. Sa aking pagkakaalam, sapat na ang pondo na inilaan dito at nakahanda na rin ang lugar na paglilipatan.

Idagdag na rin dito ang implementasyon ng pagpapatayo ng mga Island Colony o bilangguan sa mga isla; bukod pa rito ang mga penal colony na matatagpuan sa Davao, Palawan, Iwahig at iba pa.

Sa ganitong programa, nakatitiyak tayo na walang magaganap na pagtakas at pagpapatakas na tulad ng ginawa ng mga armadong rebelde na lumusob sa NCDJ kamakalawa. Magiging katulad ito ng Alcatraz sa isang isla sa San Francisco, California na pinagkulungan kay Al Capone. Dito dapat ikulong ang mga high value inmates na kasangkot sa paggawa at pamamahagi ng bawal na droga.

Sa konstruksiyon ng mga island colony – kaakibat ng pamamahala sa umiiral na mga penal colony – higit na kailangan ang puspusang rehabilitasyon ng mga preso. Hindi lamang sa ibayong pagbubunsod ng livelihood projects kundi rehabilitasyong ispirituwal upang sila ay lalong maging kapaki-pakinabang na mamamayan sa kanilang paglaya.

Kailangan nila ang makataong rehabilitasyon na walang bahid ng pagpapabaya ng ilang lingkod ng bayan. (Celo Lagmay)