Isang walong taong gulang na babae, na naiwang natutulog sa kotse, ang nasawi dahil sa suffocation sa Port Area, Maynila kamakalawa ng gabi.
Bangkay na nang datnan si Jana Jumaday, 8, ng Block 15-B, Barangay 649, Baseco Compound, sa Port Area, sa loob ng silver Kia Picanto (AAI-5704) na nakaparada sa Block 14 old site sa Baseco Compound, dakong 8:00 ng gabi.
Samantala, kapwa ikinulong sa detention cell ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ang mga guardian ng biktima na si Joan Jumaday-Papa, kapatid ng tatay ni Jumaday, at asawa niyang si Victor Papa, 40, driver/forklift operator, dahil sa insidente.
Kaagad din namang pinalaya si Joan dahil hindi naman umano ito criminally-liable sa insidente habang patuloy pang pinipigil si Victor, na siyang nag-drive ng sasakyan, para sa pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide (alleged suffocation).
Ayon kay SPO4 Glenzor Vallejo, ang mag-asawang Papa ang nagsisilbing guardian ni Jumaday dahil namatay na ang kanyang ama (kapatid ni Joan) sa Calbayog, Samar noong sanggol pa lamang siya, habang iniwanan naman siya ng kanyang ina noong dalawang taong gulang pa lamang siya kaya nagpasya si Joan na dalhin sa Maynila ang pamangkin para alagaan.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na bago ang insidente ay isinama ng mag-asawang Papa ang biktima, kasama ang kanilang mga anak, apo at pamangkin, upang mamasyal sa Mall of Asia sa Pasay City noong Enero 3.
Hiniram umano ni Victor ang sasakyan ng kanyang kapatid na si Ricardo para magamit nila sa pamamasyal.
Sa kanilang pag-uwi ay hindi umano nila namalayan na naiwang natutulog sa backseat ng kotse ang biktima.
Sa pag-aakalang wala nang tao sa loob ng sasakyan at nakuha na ang lahat ng kanilang gamit ay ini-locked na ng mag-asawa ang mga pinto ng sasakyan, at saka ipinarada bago tuluyang tinakpan ng lona.
Pagsapit ng 4:00 ng madaling araw ay nagtungo pa umano ang mag-asawang Papa sa Divisoria at namili ng gulay na kanilang ititinda at sa kanilang pag-uwi, dakong 7:00 ng umaga, ay napansin ni Joan na wala ang biktima kaya itinanong niya sa kanyang anak na si Junjun kung gising na ba ito.
Gayunman, dahil hindi nakita ang biktima sa kanyang higaan ay inakala umano nilang naglalaro lamang si Jumaday sa labas ng bahay.
Hinanap umano nila ang bata sa labas ngunit hindi nila ito natagpuan.
Dakong 8:00 ng gabi na umano nang sabihin ni Siakira, 6, apo ng mag-asawa, na naiwan ang biktima sa loob ng sasakyan habang natutulog.
Dito na umano kinabahan ang mag-asawa at tumakbo papuntang kotse at doon nila natagpuan ang biktima na wala nang buhay. (MARY ANN SANTIAGO)