Kalaboso ang isang fixer sa mismong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa panloloko sa isang driver na tutubos ng kanyang lisensiya kamakalawa.
Pinagkatiwaalan ni Rolan Balbin, 22, ng Cavite City, si Dexter Lagui, 36, para iproseso ang kanyang driver’s license ngunit huli na ang lahat nang malaman niyang niloko siya ng huli sa pagbabayad ng P900.
Sa salaysay ni Balbin sa pulisya, dakong 8:30 ng umaga, nagtungo siya sa main office ng LTO sa East Avenue, Barangay Pinyahan upang tubusin ang kanyang lisensiya na nakumpiska dahil sa pagsasawalang-bahala sa traffic signs.
Nilapitan umano siya ni Lagui at kinumbinsi na mabilis nitong maipoproseso ang pagtubos ng kanyang lisensiya.
Walang kamalay-malay na ibinigay ni Balbin kay Lagui ang citation ticket, o ang temporary operator’s permit (TOP), at P500 na hiningi ng fixer sa kanya. Sinabi sa kanya ng suspek na maghintay sa labas habang ipinoproseso ang lisensiya nito.
Ilang minuto ang nakalipas, bumalik si Lagui at sinabi sa biktima na nagkaroon siya ng mga penalty at humingi ng karagdagang P400.
Matapos ang isang oras na pag-aantay, ibinigay na ni Lagui ang TOP ng biktima, at sinabing maaari na niyang matubos ang kanyang driver’s license.
Dito na nalaman ni Balbin na niloko siya ni Lagui. Nadiskubre niya sa LTO teller na hindi iprinoseso ng fixer ang kanyang lisensiya.
Makaraang ayusin ang kanyang lisensiya at nagbayad ng P1,077 sa LTO, agad hinanap ng biktima si Lagui at humingi ng tulong sa pulis para arestuhin ang huli.
Nakadetine na ngayon si Lagui sa Kamuning Police Station at nahaharap sa kasong estafa at paglabag sa City Ordinance 1656 sa 2005. (Vanne Elaine P. Terrazola)