PERTH, Australia (AP) — Naramdaman ni Roger Federer ang lakas ng bagitong si Alexander Zverev ng Germany sa kanilang singles match, 7-6 (1), 6-7 (4), 7-6 (4), ngunit nakabawi ang 17-time Grand Slam champion sa mixed event para makalusot ang Switzerland sa Hopman Cup nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Sa ikalawang single match mula nang mapahinga ng anim na buwan bunsod ng injury sa kanang tuhod, hindi kinaya ng 35-anyos na Swiss star ang pakikihamok ng 19-anyos na karibal sa larong umabot ng mahigit dalawang oras.

Ngunit, masuwerte siya sa kanyang katambal na si Belinda Bencic, nagwagi sa women’s single kontra Andrea Petkovic, 6-3, 6-4, bago ang panalo nila sa Fast4 format ng mixed double event kontra Zverev at Petkovic, 4-1, 4-2.

“She (Bencic) carried us to victory, the player of the singles, the player of the doubles,” sambit ni Federer.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nagwagi naman sina Kristina Mladenovic at Richard Gasquet ng France sa singles match kontra Britain sa Group A.

Tinalo ni Mladenovic si Heather Watson, 6-4, 5-7, 6-3, habang namayani si Gasquet kay Dan Evans 6-4, 6-2.

Winalis nina Gasquet at Mladenovic ang serye sa panalo kontra Evans at Watson, 4-3, 4-3, sa mixed doubles.

Magtutuos ang France at Switzerland, kapwa may 2-0 marka, sa final round-robin match sa Biyernes (Sabado sa Manila).

Pasok na ang United States, kinatawan nina Coco Vandeweghe at Jack Sock, matapos gapiin ang Czech Republic at Spain sa Group B.