DUMAMI ang mga turistang dumalaw sa Boracay mula Europe at Russia noong 2016, ayon sa datos mula sa Malay Municipal Tourism Office.
Dumating sa isla ang kabuuang 58,831 European tourists noong 2016, mas mataas kumpara sa 56,578 noong 2015, samantalang 11,593 naman ang Russian visitors na naitala, na mas mataas rin kaysa 11,277 noong 2015.
Inihayag kahapon ni Kris Vellete, officer-in-charge ng Department of Tourism Boracay, na indikasyon ito ng matagumpay na promotion at marketing tungkol sa isla.
“European tourists are one of the quality tourists because they are long staying guests and they spend more,” dagdag ni Vellete.
Para mai-promote ang Boracay, may mga billboard at mga sasakyang may nakalagay na destinasyon ng Pilipinas sa mga lungsod sa Europe.
Sa kabilang banda, sinabi rin ni Vellete na hindi lamang mga turistang Europeo at Russians ang tumaas ang bilang.
“There is also a surge in the number of Indians and Saudi Arabians who visited the island last year,” aniya.
Noong 2016, dumating sa isla ang kabuuang 15,681 Saudi Arabians at 3,523 Indians.
Binigyang-diin din ni Vellete na mas marami ang dayuhang turista na dumating sa Boracay noong 2016 kumpara sa mga lokal na turista.
May kabuuang 1,725,483 arrivals sa Boracay noong 2016, mas mataas ng 11 porsiyento kumpara sa 1,560, 106 arrivals noong 2015.
Ipinakita ng datos ng turismo ang kabuuang 868,765 foreign arrivals, 813,302 domestic tourists at 43,416 na overseas Filipino worker.
Nananatiling ang mga Koreanong turista ang pinakamarami at nangunguna sa mga bisitang dayuhan sa isla na may kabuuang 321,016 kasunod ang 273, 297 mula China.
Sa gumandang relasyon ng Pilipinas at China, inaasahan na lalo pang darami ang mga turista mula China ngayong taon.
Idinagdag din ni Vellete na darami pa ang mga Koreanong turista dahil sa mga idinagdag na establisyemento na nakalaan para sa kanila.
Ngayong taon, sinabi ni Vellete na target nila ang 15 porsiyentong pagtaas ng bilang ng mga turistang darating sa Boracay. (PNA)