GAPAN CITY — Namahagi ang Indian car maker na Mahindra-Phils. ng 50 bisikleta at 500 pares ng tsinelas sa high school at elementary pupils sa lungsod na ito kamakailan.
Kasama ang Rotary Club of Meycauayan, nagbigay ang Mahindra ng bisikleta sa mga mag-aaral sa Maruhat National High School na nagsisipasok sa eskuwela na naglalakad ng halos 10 kilometro araw-araw sa maputik at baku-bakong daan na patungo sa paaralan.
Ang mga mag-aaral naman sa Sapang Kawayan Elementary School ay binigyan ng 500 pares ng tsinelas upang ipalit sa mga sira-sirang step-in na gamit nila sa pagpasok sa eskuwela.
Sinabi ni Mahindra-Phils. Marketing Manager Kristoff Arcega na bukas lagi ang kompanya ay sa mga nangangailangan ng tulong.
Ang Mahindra-Philippines ang opisyal na supplier ng mga sasakyan ng Philippine National Police (PNP).
(Light A. Nolasco)