Inutos ng National Privacy Commission (NPC) ang pagsampa ng kasong kriminal laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista kaugnay sa pagkaka-hack ng website ng komisyon noong nakaraang taon. Ang binansagang “Comeleak” ay nagresulta umano sa pagkakanakaw ng personal records ng milyun-milyong botante sa bansa.
Ayon sa NPC, umabot sa halos 80 milyong record ang nanakaw nang pasukin ng hackers ang website ng poll body noong Marso 27, 2016. Kabilang sa mga nakompromiso ang 75,302,683 records sa Precinct Finder web application voter database; 1,376,067 records sa Post Finder web application voter database; 139,301 records sa “iRehistro” registration database; 896,992 personal data records sa firearms ban database; 20,485 records ng firearm serial numbers at 1,267 records sa Comelec personnel database.
Batay sa kapasyahan ng NPC, nilabag ng Comelec ang Sections 11, 20, at 21 ng Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act of 2013 dahil sa nangyaring hacking. Napatunayan din na nilabag ni Bautista ang Section 22 in relation to Section 26 ng nasabing batas.
Sinabi ni Atty. Ivy Patdu, deputy commissioner ng NPC, na may sapat na batayan para irekomendang kasuhan si Bautista dahil sa kakulangan nito ng aksyon upang matiyak ang cyber security measures sa ahensiya.
Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI)–Cybercrime Division ang dalawang suspek sa hacking.
Ikinagulat ni Bautista ang desisyon ng NPC. Aniya, marami namang websites sa Pilipinas at maging sa buong mundo ang napapasok ng hackers, tulad na lang ng pinakamalalaking kumpanya at kahit pa Amerika, na nagpapatupad ng istriktong security measures.
Naniniwala si Bautista na ang dapat na pagtuunan ng pansin ng NPC ay ang paghuli sa mga hacker at hindi ang pagbibigay ng parusa sa mga nabiktima ng hacking.
Tiniyak ni Bautista na iaapela niya ang desisyon ng NPC, sa tulong ng Office of the Solicitor General (OSG).
(MARY ANN SANTIAGO)