HINDI napigilan ng beteranong filmmaker at producer na si Direk Romy Suzara na magpahayag ng opinyon sa mainit pa ring isyu sa pagkatay ng aso sa isang eksena ng Oro na isa sa mga kasali sa 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Isa sa tinaguriang master directors ng Philippine cinema si Direk Romy dahil sa kanyang mga naiambag sa industriya sa loob ng maraming dekada.
“Walang ibang may kasalanan sa isyung ito kundi ang MTRCB,” diretsahang pahayag ni Direk Romy nang makausap ng writer na ito. “Bakit nila pinalusot ang eksenang ‘yun? Hindi ba alam ng mga namumuno sa MTRCB ang batas (Animal Welfare Act Republic Act 8485)?
Kung meron mang dapat na sisihin dito, ‘yun ay walang iba kundi ang MTRCB.
“Hindi kasalanan ng director. Hindi kasalanan ng producer. Kawawa naman ang producer, bago pa lang sila. Kung alam ng MTRCB ‘yung R.A. (Republic Act), puwede nilang ipaputol ang eksenang ‘yun para hindi napanood ng publiko sa pelikula.”
Ayon pa kay Direk Romy, hindi masasabing damay sa isyu ang MMFF selection committee dahil pinili lang nila ang pelikula sa merits nito ayon sa criteria ng festival.
“Kaya nga may MTRCB, eh, ‘yun ang trabaho nila, to guide the audience sa kung anumang mapapanood nila sa pelikula.
Kung alam nila ang batas, hindi nila dapat pinalusot ang eksenang ‘yun ng aso.”
Ayon sa naglabasang reports, hindi lang iisa ang version ng pelikula, iba diumano ang ipinasa sa MTRCB at iba ang napanood sa mga sinehan. Ang sabi ni Direk Alvin Yapan ay walang pinatay na aso sa shooting, samantalang ayon sa ilang crew ay mayroon daw.
“Regardless na ‘yun sa dalawang versions kung sino ang nagsasabi ng totoo. Ang point ko lang ay ginawa ang pelikula, isinabmit sa MTRCB, at inapruban for public viewing -- kahit na may batas tayo tungkol sa animal welfare,” sabi ni Direk Romy.
Aware rin si Direk Romy sa official statement ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na kumokondena sa naturang isyu.
“Alam ko ‘yun pero ang MTRCB ang tamang sangay ng pamahalaan na responsible sa mga ganitong usapin. Puwede lang tumulong ang FDCP,” pahayag pa ni Direk Romy sa hangaring makapagbigay ng sariling opinyon bilang isa sa mga beterano sa movie industry.
Hindi rin siya pabor sa pagbawi sa napanalunang FPJ Memorial Award ng Oro. Matatandaang ipinabawi nga ito at may official statement din si Sen. Grace Poe tungkol dito.
“Hindi dapat nangyari ‘yun. Tulad ng sabi ko, hindi ‘yun kasalanan ng director at producer. Dapat nilang ibalik ‘yung award sa producer ng pelikula.”
Ilang pelikula rin noong 1980s ang pinagsamahan nina Direk Romy at ni Fernando Poe, Jr., ama ni Sen. Poe.
“Kawawa naman ‘yung direktor ng Oro. Dapat siyang proteksiyunan ng Directors Guild of the Philippines,” ani Direk Romy.
Pero tila hindi pa naman miyembro si Direk Alvin ng DGPI, na panamumunuan ngayon ni Direk Mike Sandejas.
“Kahit na hindi siya member ng DGPI, director pa rin siya ng pelikula at isang malaking festival ang sinalihan niya,” aniya.
As we go to press ay magsasalita si Direk sa media – sa radio at television – dahil sa kanyang malasakit sa independent producer at director ng Oro.
Ang Oro ay pelikulang ibinatay sa totoong buhay, ang pagkamatay ng apat na mahihirap na minero sa isang malayong isla sa Camarines Sur -- na hanggang ngayon ay wala pa ring nakakamit na hustisya.
Nagwagi bilang Best Actress si Irma Adlawan para sa pelikula, pero walang pagbawing naganap sa tropeo niya.
Bukas po ang pahayagang ito para sa side ng MTRCB.
(Editor’s note: Maaaring kontakin si Mell sa kanyang email address na ito, [email protected]) (MELL NAVARRO)