ANG laging pinagbibintangan ni Pangulong Digong na magpapabagsak sa kanya ay ang “yellow”. Eh, ang nagdala ng kulay na ito nitong nakaraang halalan ay ang Liberal Party. Kaya, ang mapagsuspetsa niyang mata ay nasa mga pulitikong nakapaloob sa partidong ito. Dahil minamaliit niya ang kakayahan ng mga ito para gawin ang ibinibintang sa kanila, pakantiyaw niyang sinabi na sa kanila raw sa Davao, ang ibig sabihin ng “yellow” ay “ice”.

Talagang hindi naman dapat katakutan ng Pangulo ang “yellow” kung ang kanyang isinaalang-alang ay ang Partido Liberal. Ang katakutan niya ay ang “yellow” na bumuwag sa diktadurang Marcos. Ang “yellow” ay binuo ng mga sektor na pinahirapan at inapi ng diktadura. Nagamit lang itong kulay nang maging sukdulan na ang kalupitan nito na pati si dating Sen. Ninoy Aquino ay pinaslang. Yellow ribbon ang naglarawan sa kanyang pagbabalik.

Pero, bago pinaslang si Ninoy, marami nang pinatay, dinukot at nangawala. Mga magsasaka, manggagawa, mag-aaral, propesyunal at higit sa lahat, ang mga dukha na nasa kalunsuran at kanayunan. Maraming buhay ang ibinuwis ng sektor na ito dahil ang tangi lang nilang magagawa ay lumaban upang mabuhay. Kung mayroon mang dapat pangilagan ang Pangulo ay ang sektor na ito. Kasi, dito sa hanay na ito kanyang inumpisahan ang tinatawag niyang giyera laban sa ilegal na droga. Ang mahihirap na nakatira sa mga dampa, dikit-dikit na komunidad at nasa tabi ng mabahong estero ang mga biktima. Lihim na lumuluha at nagdurugo ang puso ng kanilang mga kapamilya dahil sa nangyari sa kanila. Sa una lamang nila mararamdaman ang takot. Bulkang sasabog ang kanilang galit kapag nagkaroon na ng pagkakataon para ihayag na nila ito. Maaaring hindi sa kanilang hanay magsisimula ang paniningil nila para sa katarungan. Pero napakadali nilang umalsa para makipag-alyado sa iba pang grupo na gaya nilang nakararanas ng kaapihan.

Ang peace and order na ipinagmamalaki ni Pangulong Digong na nangyayari ngayon ay pansamantala lamang dahil unang-una, ang paraan niya rito ay pagpatay. May labor strike nang naganap sa kanyang panahon na ang dahilan ay hindi wastong pagpapasahod sa mga manggagawa at hindi pagbibigay sa kanila ng benepisyong naaayon sa batas. Nakakahawa ito at madaling kumalat na parang apoy sa mga iba pang pabrika na ganito ang dinaranas ng kanilang kapwa manggagawa.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Dinadahas ang mga magsasaka sa kanilang mga sinasakang lupa. Bukod sa walang patumanggang pagtaas ng presyo sa petrolyo, gasolina, diesel at LPG, tataasan pa ng gobyerno ang excise tax sa diesel. Hihilahin na naman paitaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Titindi ang kahirapan. Ang mga pagpatay at ang napipintong kahirapang daranasin ng taumbayan ay siyang “yellow” na dapat katakutan ni Pangulong Digong. Baka hindi na ito “yellow” kundi “red o pula”. (Ric Valmonte)