SA unang araw ng Bagong Taon umupo si dating Portuguese Prime Minister Antonio Guterres bilang secretary-general ng United Nations. Pinalitan niya si Ban Ki-Moon ng South Korea bilang pinuno ng UN Secretariat, ang posisyon na unang inokupa ni Trygvie Lie ng Norway.
Sa pag-upo ni Guterres ay hinarap niya ang ilang hindi inaasahang paghamon, tulad ng ikinasa ng papasok na presidente ng United States na si Donald Trump. Pagkatapos aprubahan ng UN Security Council ang isang resolusyon na nagkokondena sa Israeli settlements sa Palestinian territories, pinuna ni Trump ang UN sa Twitter: “The United Nations has such great potential but right now, it is just a club for people to get together, talk, and have a good time. So sad.”
Nagbabala siya na, “things will be different after Jan. 20th,” ang araw ng pag-upo niya sa kanyang tungkulin.
Ang US ay permanenteng miyembro UN Security Council, isa sa lima na may veto sa anumang desisyon nito. Ito ang nagbabayad ng 22 porsiyento ng regular na budget ng UN at 25 porsiyento ng peace-keeping budget nito. Ang principal headquarters ng UN ay nasa New York City, at may iba pang mga pangunahing tanggapan sa Geneva, Nairobi, at Vienna.
Nanawagan si Guterres ng multilateralism -- pagtanggap sa katotohanan na palaging maraming iba’t ibang panig na dapat ikonsidera sa anumang isyu – ang “cornerstone” ng UN. At nangako siya na magiging “bridge builder” nang umupo siya sa kanyang tungkulin nitong nakaraang Linggo. Malaking posibilidad na palakontrang Trump administration na may “America First” agenda ang kahaharapin niya.
Ang ating Pangulong Duterte ay may maaanghang ding pananalita tungkol sa UN. Nang kondenahin ni Ban Ki-Moon ang kinatatakutan niyang extra-judicial killings, tinaway ng Presidente na “stupid” ang UN at nagbantang aalis ang Pilipinas sa world organization. Ang UN special rapporteur on summary executions na si Agnes Callamard ay inimbitahang magtungo sa ating bansa para imbestigahan ang mga pagpatay, pero mayroong ilang hindi pagkakasundo sa ilang mga kondisyon na inilatag ng pamahalaan para sa UN inquiry.
Bukod pa sa dalawang highly publicized disagreements na ito sa dalawang member nations, haharapin din ni Guterres ang malawakang sigalot sa Syria at Yemen sa Gitnang Silangan, South Sudan at Libya sa Africa, ang pag-atake ng mga terorista sa Germany at sa Turkey, at maging ang diskusyon sa climate change.
Kaya malalaking suliranin ang hinaharap niya sa kanyang pagsisimula pa lamang sa tungkulin bilang secretary-general ng United Nations na binubuo ng 193 miyembro na hindi palaging nagkakasundu-sundo. Pero hangad nating mapagtagumpayan niya ang kanyang misyong bilang tulay o “bridge builder” at bilang tagapamayapa sa nagkakahati-hating at naglalaban-labang mundo.