NANG i–veto o tanggihan ni Pangulong Benigno Aquino III noong Enero, 2016 ang panukala na karagdagang P2,000 sa pensiyon sa mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS) dahil sa idudulot nitong “dire financial consequences,” nakiisa sa pagkastigo sa kanyang aksiyon ang kandidato sa pagkapangulo noon na si Rodrigo Duterte, marahil upang ipakita ang kawalan ng malasakit ng administrasyon noon, sa pagtangging ayunan ang inaprubahan na ng Kongreso – ang karagdagan sa pensiyon ng matatandang retiradong manggagawa na ang iba ay tumatanggap lamang ng napakaliit na halagang P2,500 kada buwan.
“I beg the President, ‘yung 2029 fear that the SSS would go bankrupt -- you can correct it along the way,” sabi noon ni Duterte. Ang kanyang tinutukoy ay ang pangambang ipinahayag ni Pangulong Aquino at ng mga opisyal ng SSS na ang karagdagang pensiyong P2,000 ay magpapaikli sa SSS fund life hanggang 2029 na lamang, sa halip na sa kasalukuyang pagtaya na aabot pa ito hanggang 2042.
Muling isinumite ang pension bill sa bagong 17th Congress, na may tiyakang suporta si Pangulong Duterte. May dalawang hakbang na panukala ang SSS kung paano maipatutupad ang karagdagang P2,000 pensiyon – ang inisyal na P1,000 sa 2017, at sa 2022 naman ang susunod na P1,000. Sa panahong nakapagitan sa dalawang installments, ang SSS ay makapag-iipon ng karagdagang kita sa pamamagitan ng pinainam na koleksiyon at mga bagong investment.
Sa interbyu nitong nakaraang Bisperas ng Bagong Taon, sinabi ni Pangulong Duterte na ang kanyang economic managers – na binubuo nina Finance Secretary Carlos Dominguez III, Budget Secretary Benjamin Diokno, at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia – ay may “bleak assessment of what’s in store for us in the days ahead” at nanganganib na mabangkarote ang SSS kung tataasan ang pensiyon.
Nagsagawa na ng masusing pag-aaral ang SSS mismo sa sarili nitong mga suliranin at nakabuo ng panukala na – magdagdag muna ng P1,000 sa pensiyon ngayon at P1,000 uli pagkaraan ng apat na taon. Sa loob ng apat na taon, umaasa ang SSS na makaiipon ng karagdagang kita upang mapanatili ang katatagang pinansiyal ng institusyon. Higit ang kaalaman ng mga opisyal ng SSS sa daloy ng kanilang pananalapi kaysa economic managers ng administrasyon, na ang inaasikaso at pinagmamalasakitan naman ay ang kabuuang kalusugan ng pananalapi ng bansa.
Sinabi ni Pangulong Dutere na ang kanyang economic managers ay nakatakdang magpulong muli para humanap ng solusyon at upang hindi tuluyang mabigo ang SSS retirees. Iminumungkahi namin na mas pahalagahan ng Pangulo ang mga pananaw ng mga opisyal ng SSS dahil sila ang higit na nakaaalam sa mga suliranin sa SSS pension, kaysa national economic managers na nakatuon sa mas malawak na mga suliranin sa pambansang pananalapi.
Naririyan din ang nakapasimple at pangunahing usapin sa pangako at katiyakang ibinigay noong nakaraang kampanyahan.
Ang presidential veto sa SSS pension hike na itinuring na kawalan ng malasakit sa pagsisikap na mabigyan ng tulong ang matatandang retirado ay maaaring humikayat ng maraming boto para sa pagbabago na pumalit sa luma at nagpasimula sa bagong kaayusan.