ABUT-ABOT ang mga problemang sinasagupa ng pelikulang Oro. Bukod sa hindi na nga kumita, binawian pa ng Fernando Poe Jr. Memorial Award dahil sa pagkatay nila sa dalawang aso. Yes, dalawang kaawa-awang aso ang nawalan ng buhay para sa tinatawag nilang makatotohanang sining.
Plano sanang ire-edit ang Oro para tanggalin ang mga eksena sa pagkatay sa aso, pero hindi na kailangan dahil nitong nakaraang Martes ay tinanggal na sa lahat ng mga sinehan ang pelikula.
Pero naninindigan ang PAWS executive director na si Anna Cabrera na kahit na tanggalin pa ang nasabing eksena ay hindi na mababago ang katotohanan na may pinatay na aso sa paggawa ng pelikula.
Saksi kami noong Martes ng gabi sa SM The Block na marami ang nag-refund ng tickets ng Oro dahil hindi na nga ito ipinapalabas.
Nakaka-depress naman na nang umingay na may asong pinatay ay saka naman dumami ang gustong manood nito.
Samantala, magbabayad ng P250,000 at makukulong ng dalawang taon ang producer at direktor kapag napatunayang guilty sila sa Animal Welfare Act RA 8485.
Sa kabilang banda, wala siyempreng mamamatay na aso kung hindi ito ibinibenta ng may-ari para pagkakitaan, kaya dapat ay kasama rin ito dahil lumabag siya sa RA 8485.
Halos lahat ng mga taga-movie industry na nakakausap namin ay kinokondena ang ginawang ito ng direktor at producer.
(Reggee Bonoan)